HANGGANG ngayon ay kinukumbinsi pa rin ng ilang political groups ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes na tumakbo sa susunod na eleksiyon.
Ayon sa isang source, sa kabila ng ilang ulit na pagtanggi ng mister ni Marian Rivera na pasukin na ang mundo ng politika ay hindi pa rin sumusuko ang mga ito na patakbuhin ang aktor.
Nang makachikahan namin si Dong sa taping ng GMA Telebabad series na Alyas Robin Hood, mariin nitong itinanggi na pumayag na siyang kumandidatong senador o congressman sa 2019.
Wala rin daw katotohanan na may tinanggap na siyang alok mula sa alinmang partido. Sa ngayon, gusto lang niyang mag-concentrate sa kanyang trabaho dahil kailangan daw niyang mas magsipag pa dahil lumalaki na ang anak nila ni Marian na si Baby Zia.
Tanong namin kay Dong, sa tingin ba niya, papayag si Marian kung sakaling magdesisyon na siyang tumakbo sa kahit anong government position?
“Tingin ko naman. Lagi naang nakasuporta sa akin ang asawa ko. Pero sabi ko nga, mas gusto kong mag-focus ngayon sa trabaho at sa mga projects ng YES Pinoy Foundation, lalo na ‘yung mga ginagawa namin para sa kinabukaasn ng mga kabataan,” pahayag ng Kapuso leading man.
Nang tanungin naman siya kung nakararamdam din ba siya ng selos, napaisip muna si Dong sabay sabing, “Ako? Hindi ko alam. Buti tinanong mo. Matanong ko nga rin ang sarili ko. Ha-hahaha! Last I checked, parang wala pa naman.”
Nag-aaway pa rin ba sila ni Marian, o nagkakatampuhan? “Sa dalas naming hindi magkita? Ha-hahaha! Parang hindi. Pero matagal ng hindi.”
Samantala, hooked at hindi na mabitawan ng loyal Kapuso viewers ang painit nang painit pang eksena sa primetime series na Alyas Robin Hood 2.
Ayon kay Dingdong, masaya siya na nae-enjoy ng viewers ang maaaksyong eksena at pasabog na kuwento ng serye. Dagdag pa nito, grateful daw siya sa napaka-talented at creative na team ng ARH kaya 100% ang tiwala niya sa mga ito.
Sa kuwento, nagsisimula nang panghinaan ng loob si Pepe (Dingdong). Wala na ang kapatid niyang si Caloy (Gary Estrada) at pamangkin na si Lizzy (Lindsay de Vera) dahil kay Pablo (Jay Manalo), nagtatago pa rin ang fiancée niyang si Venus (Andrea Torres), at hindi pa rin niya alam saan hahanapin ang nanay niyang si Judy (Jaclyn Jose). Bukod dito, patuloy na lumalakas ang mga masasamang grupong naghahasik ng kaguluhan.
Sa lahat ng nangyayari sa buhay niya, kakayanin pa ba ni Pepe na bumangon at maging tagapagtanggol ng mga naaapi? Huwag palalampasin ang mga maaaksyong eksena sa Alyas Robin Hood gabi-gabi pagkatapos ng Super Ma’am sa GMA Telebabad.
Sa lahat ng mga nagtatanong kung matutuloy pa ba ang plano ng GMA na kunan ang ilang highlights ng ARH 2 sa Morocco o Africa, ito ang sagot ni Dong, “Well, si Miss Mona (Mayuga, senior executive producer ng serye) siguro ang makakasagot niyan. Kasi, ang tanong diyan, dito nga sa Marikina, hirap naming puntahan dahil sa traffic. Namamatay agad ang dalawa, tatlong oras per setup.
“Two-three hours are wasted in traffic. Twelve to 15 sequences, nasasayang. Pera rin yun, so mas maganda sana kung naka-lock-in kami sa isang lugar, but that’s in an ideal situation. Alam mo naman ang Pinoy, they will make the most of what they have,” sabi pa ng GMA Primetime King.