FEELING ni Paulo Avelino matanda na siya para magpa-cute at magpa-tweetums pa pagdating sa kanyang lovelife.
Kaya naman sa nakaraang Star Magic Ball 2017, proud na proud siyang rumampa kasama ang kanyang girlfriend, ang Filipino-Australian model na si Jodie Elizabeth Tarasek. Actually, that was the first time na ibinandera ni Paulo sa madlang pipol ang kanyang GF.
Sa isang panayam, sinabi ni Paulo na hindi naman daw niya itinatago si Jodie sa publiko, “Siguro it’s proper timing, tsaka ang tanda ko na. Matanda na ako, tumatanda na ako.” Sa pagkakaalam namin, 29 years old na ang binata.
Nang matanong nga raw ang Kapamilya actor kung kailan sila magpapakasal ng dyowa, sagot ni Paulo, “For now, we’re at the stage we’re enjoying each other’s company. Grabe naman, kasal kaagad, parang sinasabi ninyo walang girlfriend-boyfriend, diretso kasal na! Pagkaligaw, kasal kaagad? Ha-hahaha!”
Puro papuri naman ang ibinigay ni Jodie sa kanyang boyfriend, ito na raw yata ang pinaka-selfless na taong nakilala niya, “I think that’s the best thing I can say about him. There’s much more.”
Samantala, araw-araw namang tinututukan ng madlang pipol ang afternoon series ni Paolo sa ABS-CBN kasama sina Ejay Falcon at Ritz Azul na The Promise Of Forever, kaya naman patuloy pa rin itong humahataw sa ratings game.
Sa pagpapatuloy ng kuwento, panibagong yugto ng kanilang mga buhay ang haharapin nina Nicolas (Paulo) at Sophia (Ritz) sa muling pagtatagpo ng kanilang landas at pagpapatuloy ng kanilang naumpisahang pag-iibigan.
Lubos na nga ang pagmamahal na nararamdaman ni Nicolas para kay Sophia, kaya naman sa kabila ng kanyang kundisyon, hindi ito tumigil na hanapin ang dalaga upang muling subukang paglapitin ang kanilang mga puso. Mas determinado na rin ang si Nicolas na hanapin ang gamot sa kanyang kundisyon para tuluyan nang magkaroon nang normal na buhay kasama ang babaeng iniibig.
Ngunit sa kabila ng muling pagkikita ng dalawa, mas tumitindi naman ang panganib sa buhay ni Nicolas dahil parte na rin si Philip (Ejay) ng grupong gustong tumugis at patayin ang “immortal man,” sa pangunguna ng kanyang amain na si Marlon (Tonton Gutierrez), upang mabuo na ang “miracle drug” na makapagpapagaling sa lahat ng sakit.
Manumbalik na nga ba ang dating pag-ibig nina Nicolas at Sophia para sa isa’t-isa? Ano naman kaya ang dalang panganib nina Philip at Marlon sa buhay nila?
Lubos namang kinikiligan sa online world ang serye sa pagiging trending topic ng serye at pag-ani ng libo-libong tweets tuwing hapon.
Hindi rin mapigilan ng netizens ibahagi ang papuri nila para sa nakakikilig na mga eksena ng serye.
Puring-puri rin ng mga manonood ang akting nina Paulo, Ejay at Ritz sa serye, swak na swak daw sa kanilang tatlo ang kanilang mga karakter. Lalo na raw si Paulo na subok na subok na ang galing at husay sa pagdadrama at pagpapakilig.
Tutukan ang kuwento ng pangako ng walang hanggang pag-ibig sa The Promise Of Forever sa ABS-CBN.