Lyceum Pirates rumagasa sa ika-16 diretsong panalo

Mga Laro sa Martes
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. Mapua vs JRU
4 p.m. San Sebastian vs Arellano
Team Standings: Lyceum (16-0); San Beda (15-1); JRU (10-6); Letran (8-8); San Sebastian (7-8); Arellano (6-9); EAC (6-10); Perpetual Help (4-11); Mapua (3-12); St. Benilde (3-13)

LUMAPIT ang Lyceum of the Philippines University Pirates sa posibleng Sweep 18 matapos nitong idagdag sa mga biktima ang naghahangad sumampa sa Final Four na Letran Knights, 81-69, tungo sa ika-16 diretsong panalo sa NCAA Season 93 men’s basketball tournament Biyernes sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.

Agad na iniwanan ng Pirates sa unang yugto ang Knights, 29-20, bago pinanatili sa hanggang 10 puntos lamang na makalapit ang mga Knights upang mangailangan na lang ipanalo ang huling dalawang natitirang laro upang awtomatikong tumuntong sa pinakauna nitong kampeonato sa loob ng anim na taon sa liga.

Nagtulong-tulong sina CJ Perez na may 24 puntos, Mer Jesper Ayaay na may 12, Mike Harry Nzeusseu na may 11 at si JV Marcelino na nag-ambag din ng 11 puntos upang ipagpatuloy ang pinakamahabang diretsong pagwawagi ng Pirates.

Nanatili ang Knights sa ikaapat na puwesto kahit nalasap ang ikawalong kabiguan kontra sa walong panalo bagaman dalawang laro itong napag-iwanan sa ikatlong puwesto at kalahating laro lamang na posibleng abutin at agawan ng tatlong iba pang koponan.

Samantala, sinandigan ng Jose Rizal University Heavy Bombers ang Cameroonian na si Abdel Poutouochi at Jed Mendoza sa ikaapat na yugto upang maungusan ang San Sebastian College Stags, 60-58, at lumapit ng husto sa pagtuntong sa Final Four.

Inihulog ni Poutouchi ang pang-abanteng layup may kalahating minuto na lamang sa laro upang tumapos na may 10 puntos habang inihulog ni Mendoza ang anim sa kanyang 14 sa ikaapat na yugto upang iangat ang Heavy Bombers sa ika-10 panalo kontra anim na kabiguan at masiguro ang playoff para sa silya sa semifinals.

“The team showed toughness,” sabi ni JRU coach Vergel Meneses kung saan posibleng makamit ng mga Kalentong-based dribblers ang silya sa Final Four kung magwawagi sa Mapua sa Martes o sa Lyceum sa Biyernes.

Nahulog naman ang San Sebastian sa ikawalong kabiguan kontra sa pitong panalo.

Una naming binigo ng San Beda Red Lions ang nakatapat na Emilio Aguinaldo College Generals, 88-51, para sa ika-14 sunod na panalo at ika-1 pangkalahatang pagwawagi sa 16 laro.

Naghulog ng limang tres si AC Soberano na siyang kabuuan ng triples ng buong koponan ng EAC.

Nagtala si Javee Mocon ng isa pang all-around na laro sa kinolekta na 15 puntos, 12 rebounds, tatlong assists, isang steal at isang block habnag ang Cameroonian na si Donald Tankoua ay may 12 puntos, 10 rebounds at tatlong blocks para sa Red Lions.

Nahulog naman ang Generals sa 6-10 rekord at posibleng eliminasyon.

Read more...