ITINUTURING na sakit ang depresyon. May lunas ang ganu’ng sitwasyon, kailangan lang talagang paglabanan ‘yun ng taong inaatake ng depresyon, ang panghihina ng kalooban ay kailangang talunin ng katatagan ng isip.
Hindi biro ang depresyon, du’n karaniwang nag-uugat ang maling-maling paraan ng pagkitil ng buhay, ang pagpapakamatay.
Hindi gawa-gawa lang ang depresyon. May mga pagkakataong puwedeng psychological ang dating ng ganu’ng sitwasyon, pero mas madalas na hindi, nervous system ang itinuturong dahilan ng mga doktor.
Hindi nagustuhan ng ating mga kababayan ang pataklesang komento ng TV host na si Joey de Leon tungkol sa isyu ng depresyon. Nasa himpapawid pa naman ang TV host, maimpluwensiya ang kanilang noontime show, kaya agaran siyang nakatikim ng pagkontra mula sa ating mga kababayan.
Tanong ng kaibigan naming propesor, “Kahit kailan kaya, e, hindi inapuntahan ng depresyon si Joey de Leon sa buong buhay niya? Nu’ng masangkot sila sa issue ng rape ng isang boldstar, hindi kaya siya nakaramdam ng depresyon nu’n dahil sila ang pinagbibintangan?
“Nu’ng ma-depress ang anak niyang si Keempee de Leon, ano kaya ang naging dating nu’n sa kanya, gawa-gawa lang ng anak niya? Maging sensitive naman sana si Joey, kahit paminsan-minsan lang, e, maging maingat naman sana siya sa mga pinagsasasabi niya,” pahayag ng kaibigan naming propesor na minsan nang inatake ng depresyon.