Sa edad na 20, Miles Ocampo never pang nagka-bf: Aral at work muna!

SA ginanap na premiere night ng “The Debutantes” sa Vertis North kamakailan ay ang saya-saya ng buong cast na kinabibilangan nina Miles Ocampo, Jane de Leon, Chanel Morales, Michelle Vito at Sue Ramirez. Puro positibo kasi ang mga comment ng mga nakapanood bukod pa sinuportahan sila ng kani-kanilang fans.

Maging ang Regal Films producers na sina Mother Lily Monteverde at Roselle Monteverde-Teo ay masaya sa outcome ng horror movie ni direk Prime Cruz mula sa IdeaFirst Company.

Speaking of Miles, hindi niya maitago ang saya habang kausap namin sa cast party dahil ngayon lang daw siya nagkaroon ng pelikula na malaki ang role niya at hindi lang support.

“Sobrang saya ko po sa pelikula, kasi ngayon ko lang napanood nang buo. Nu’ng nag-dubbing po kami hindi ko po pinanood lahat,” bungad ng dalaga.

Napanood na namin ang pelikula at masasabing malaking break nga ang ibinigay sa kanya ng Regal, “Oo nga po, very thankful po ako sa Regal, kay Mother Lily at Ms. Roselle kasi it’s my first time na gumawa ng pelikula sa kanila and binigyan nila ako ng ganito kalaking opportunity kaya sobrang blessed po ako,” saad ni Miles.

Sa ending ng “The Debutantes” ay buhay si Miles kaya sinasabing siya raw ang bida, “Naku hindi po, ‘yung multo po ang last frame!” tumawang sagot ng aktres.

Nang dahil sa “The Debutantes” ay naging close sina Miles at Sue na may importanteng karakter sa pelikula.

Mas marami nang experience si Miles pagdating sa acting kumpara kay Sue, “Magaling po si Sue and I’m very happy na finally nagkatrabaho po kami, dati po kasi nagkasama kami pero reality show ‘yun, puro dance-dance, kanta-kanta.

“Kaya ngayon finally nakasama ko siya. Siguro po si Sue ‘yung dahilan na maganda na naka-konek ka sa katrabaho mo para nade-deliver mo ‘yung bawa’t eksena.

“Dito po sa ‘Debutantes’ kami naging close, dati po kasi hindi naman kami nakakapag-usap,” saad ng aktres.

Tinanong namin kung okay lang na mas nauna pang maging bida si Sue sa pelikula gayung mas matagal na siya sa showbiz.

“Okay lang po ‘yun, walang big deal sa akin kasi sabi ko nga naniniwala ako na ang bawa’t karakter namin ay sobrang importante. Hindi naman mabubuo ang pelikula kung wala ang isa sa amin,” katwiran ni Miles.

Nakasama na rin si Miles sa isang horror movie, ang “Pagpag Siyam Na Buhay” nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na ipinalabas noong 2013 Metro Manila Film Festival mula sa Star Cinema at Regal Films, at suporta ang papel niya rito.

Buko dito, nakatrabaho na rin niya sa movies sina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo (A Very Special Love, You Changed My Life at It Takes A Man And A Woman); sina Gerald Anderson at Kim Chiu (I’ve Fallen For You at Paano Na Kaya); Toni Gonzaga at Zanjoe Marudo (Wedding Tayo, Wedding Hindi); Lorna Tolentino, Christopher de Leon, Bea Alonzo at Diether Ocampo (Sa ‘Yo Lamang); at sina Ai Ai delas Alas at Sharon Cuneta (Best Friends Forever).

E, halos lahat naman pala ng malalaking artista sa showbiz ay nakasama na ni Miles kaya naman wala na sa kanya kung naunahan pa siyang maging bida ng isang baguhan sa showbiz.

Ang importante ay may regular show ang aktres, ang Home Sweetie Home kasama sina Toni Gonzaga at John Lloyd Cruz.

Kaya tinanong namin kung sino pa ang gusto niyang makatrabaho, kaagad na sagot ni Miles, “Si John Lloyd po. ‘Yung Home Sweetie Home kasi very light, sabi ko sana magkatrabaho kami sa drama, puwedeng maging kapatid niya ako.”

Bukod kay John Lloyd, “Crush ko po kasi si Sam Milby. Ha-hahaha!”

Inamin ng dalaga na sa edad niyang 20 ay wala pa siyang naging boyfriend, may nanligaw sa kanyang taga-showbiz pero hindi niya sinagot.

“Wala pa po kasi sa utak ko, aral muna po kasi ang focus ko at ang showbiz career ko.”

Read more...