MALI ba ang aking paninindigan? Hindi ba sa iyo ang mali? Ang matuwid na tumalikod ay mamamatay sa kasalanan. Iyan ang Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (Ez 18:25-28; Slm 25:4-5, 6-7, 8-9; Fil 2:1-11) sa ika-26 na linggo sa karaniwang panahon.
Nakita ang galaw ng demonyo sa UST sa pagkamatay ni Atio. Pero, matagal nang demonyo ang dulot ng frat sa hudikatura, at ito’y di alam ng mahihirap na may kaso. Sa isang Branch, alamin kung ano, o anu-anong, frat ang kinaaniban ng huwes, tagapagtanggol (PAO o hindi), taga-usig (piskal o private prosec) at clerk of court.
Dito nagsisimulang pagkaitan ng hustisya ang mahirap, lalo pa’t may kaya ang kanyang kalaban, maimpluwensiya, ka-frat ng demonyo. Lingid sa kaalaman ng mahirap, alam na ng mga demonyo sa hudikatura ang takbo at hatol ng kaso base sa kinaanibang frat. Walang hustisya sa mahihirap.
Malaki na ang ipinagbago ng North at South Caloocan nang purgahin ang bugok na mga pulis. Huminto saglit ang patayan. Pero, hindi ito magtatagal. Pakiramdaman ang nangyayari, lalo na sa North Caloocan. Hinto muna ang resbakan ng magkakaaway na tropa. Merong tropa na ituturo ang kaaway na tropa. Mapapatay ang ilan dahil sa shabu at isusulat na naman ang “nanlaban.”
Hindi naman huminto ang baha ng shabu sa North Caloocan. Ito ang shabung-Valenzuela (Customs), ayon sa mga bumabatak. Napakalihim lang ng pasahan at maging ang mga bagong pulis ay di kayang sundan. Yung ibang bagong saltang pulis ay nag-iingat lang. Marami ang loose firearms sa North Caloocan.
Dahil marami na ang namumulat, nadadagdagan ang bilang ng mga lumalapit sa pari kapag nakararamdam na ililigpit na. Unang nangyari ito sa Diocese of Caloocan (south; sa North ay ng Diocese of Novaliches). Maingat din naman ang mga pari. Kapag ang pakay ay huwag lamang mapatay pero ayaw namang magbago, mangumpisal at sumailalim sa grasya, eh, bahala na siya sa buhay niya.
Tatlong Diocese ang sumusuporta sa medicinal marijuana, na sinusugan ng committee on health ng Kamara. Hindi opisyal ang susog, kundi’y personal, lalo na ang isang obispo ng diocese at pari sa pambansang dambana, na kapwa masasakitin na. Sa medicinal marijuana, inalis na ang mapaminsalang mga kemikal. Ang isang tsungki ay may 148 harmful chemicals.
Napakatindi ng Dawla Islamiyah sa Marawi ngayong sinasabing papatapos na ang gera. May mga bakwit na intellectual na di nila akalaing magkakaganito ang kanilang mahal na lungsod. Bagaman ayaw nila ng terorismo, lalo pa’t may mga dayuhan na, wala rin silang magawa. Kailangan nila ng tulong ng gobyerno. May mga kilala sa lipunan na tumutulong nang palihim sa Marawi, pero wala sa kanila ang Aquino, Roxas at Dilawan.
Puwede bang ihinto muna ang pagbebenta ng drone sa Davao City, CDO at Iligan? O kundi’y alamin kung saan patungo ang mga drone na binili sa Cebu at pa-Mindanao. Maaaring ang dahilan ng pagkalagas ng maraming pulis at sundalo ay dahil sa drone ng kaaway. Mas makabago pa ang kanilang drone kesa gamit ng AFP.
Paalam at dasal kay Joe Taruc. Kasabay kong reporter si Joe Taruc. Ako’y sa Evening Post at si Joe ay field reporter ni Rod Navarro sa Kanlaon broadcasting. Nang buksan ni Chino Roces ang Bagong Araw (sirkulasyon 120,000; 39 ang tabloid sa MM noon), naging kolumnista ko si Joe. Ang kolum niya, na makinilyado at all caps (tulad ng script sa radyo), ay dinadala sa Scout Santiago ng kanyang anak na si Jay. Tatlong Novo Ecijano ang nagsulat sa Bagong Araw noon; nasa kabilang buhay na sila ngayon.
Sa pamamagitan ng DZRH Operation Tulong ni JT, nagawa niya ang ilang iniuutos ng spiritual at corporal works of mercy sa tradisyon ng kabanalan: instruct the ignorant, counsel the doubtful, admonish the sinners, comfort the afflicted, feed the hungry, give drink to the thirsty, clothe the naked, welcome the strangers, attend to the sick, bury the dead.
PANALANGIN: Anghel ng Diyos, at mga Arkanghel, kami’y tanglawan at tanuran, akayin at pamahalaan.
MULA sa bayan (0916-5401958): Kailangan namin ng hollow blocks at semento. Puro tulong lang ang nadidinig namin. Wala namang konkretong tulong. …8733, Banggolo Poblacion, Marawi