Mag-asawa, anak patay sa sunog

Nasawi ang mag-asawa at kanilang 10-anyos na anak nang lamunin ng apoy ang tinutuluyan nilang bunkhouse, sa isang lumber yard sa Mandaue City, Cebu, kaninang umaga, ayon sa mga otoridad.

Nasawi sina Antonio Paz, 34; misis niyang si Maricel, 32; at anak nilang si Ancel Jay, sabi ni Insp. Marlyn Macatangay, tagapagsalita ng Bureau of Fire Protection-Central Visayas.
Itinimbre sa Mandaue City Fire Station ang sunog sa lumber yard, na nasa Hernan Cortez st., Brgy. Tipolo, alas-4:10.
Mabilis na lumaki ang apoy at umabot sa estadong “first alarm,” dahil tila gawa sa light materials ang bunkhouse, sabi ni Macatangay nang kapanayamin sa telepono.
Na-control ng mga bumbero ang apoy alas-4:15 at nagdeklara ng fire out alas-4:30.
Maaaring tulog ang pamilya Paz nang maganap ang insidente, ani Macatangay.
Bukod sa mga nasawi, nagdulot din ang apoy ng P20,000 hanggang P30,000 halaga ng pinsala sa ari-arian, aniya.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang sanhi ng apoy habang isinusulat ang balitang ito.

Read more...