SA isang pangmasang sinehan mas piniling manood ng isang grupo. Gusto kasi nilang patunayan kung may malakas na karisma pa rin sa publiko ang isang male personality na matagal na nilang kinakikiligan.
Sinadya nilang sa pangmasang sinehan manood, hindi sa mga sinehang sosyalin ang dating, du’n kasi nila malalaman kung may magic pa rin ang male personality sa ating mga kababayan.
Kuwento ng aming source, “Pagpasok nila sa sinehan, ang akala nila, e, November 1 na! Tahimik na tahimik kasi, walang utaw, lima lang silang nandu’n na kapapasok pa lang.
“Wait sila nang wait, pero nangangalahati na ang pinanonood nila nang may pumasok na tatlo.
Nasundan pa ‘yun ng magkakaibigang pumasok, anim naman sila.
“After nu’n, wala na naman. Matagal uli ang pinalipas nilang panahon bago may pumasok uling dalawa. may sumunod na apat, hanggang du’n na lang ang kuwento dahil lumabas na sila.
“Bilang na bilang nila ang mga tao sa loob ng sinehan, kaya ang naisip nila, mukhang waley na ang charisma ng tinitilian nilang male personality nu’n.
“Parang hindi na interesado sa kanya ang mga tao, parang kinatatamaran na siyang panoorin, panahon na nga kaya para magpahinga na sa pag-arte ang aktor?” nagtatanong na simula ng aming impormante.
Kahit sa kabuuan ng pelikula ay naramdaman ng magkakaibigan na mukhang patapos na talaga ang panahon ng lalaking personalidad. Matamlay na ang pagtanggap sa kanya, hindi na niya panahon, kailangan na niyang mag-impake.
“Hindi pa rin nawawala ang kaguwapuhan niya, pero halatado na ang mga signs ng pagkaka-age niya. Wala namang masama sa pagtanda, ang mahalaga, e, may pinagkatandaaan siya.
“Pero huwag na kasing ipilit ang hindi na puwede. May bago na naman siyang nililinyahan ngayon, di ba? Du’n na lang muna siya, malaki rin naman ang kinikita niya, magnegosyo na lang muna siya.
“Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Ching Bautista Silverio at Jon, napakadaling tumbukin kung sino siya. Walk in the park ito!” pagtatapos ng aming source.