Mga Laro sa Sabado
(Mall of Asia Arena)
2 p.m. UST vs UE
4 p.m. FEU vs Adamson
Team Standings: Ateneo (6-0); La Salle (5-1); FEU (4-2); Adamson (4-2); UP (3-3); NU (2-4); UE (0-6); UST (0-6)
INIHULOG ni Sean Manganti ang krusyal na ikalawang follow-up sa natitirang 1.4 segundo upang itulak ang Adamson University sa maigting na 73-71 panalo kontra University of the Philippines Miyerkules sa UAAP Season 80 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Natagpuan ni Manganti ang sarili na walang bantay matapos ang sablay na unang follow-up ni Papi Sarr mula sa mintis ni Jerrick Ahanmsi sa huling 22 segundo upang kumpletuhin ang ikatlong sunod na panalo ng Soaring Falcons at umakyat sa pakikipagsalo sa Far Eastern University Tamaraws sa ikatlong puwesto sa 4-2 panalo-talong kartada.
Una munang itinabla ni Paul Desiderio ng Fighting Maroons ang laro sa 71-all bago na lamang ang importanteng putback mula kay Manganti na nagpalasap ng ikalawang sunod na kabiguan sa UP.
Hindi pa kuntento ay tinapik ni Manganti ang bola sa inbound pass para kay Desiderio upang selyuhan ang panalo at ihulog ang UP sa kabuuang 3-3 kartada para sa solong ikalimang puwesto.
Nanguna para sa Soaring Falcons si Ahanmisi na may 21 puntos habang ang kontrobersiyal na si Jerie Pingoy ay nagdagdag ng 10 puntos. Tumulong din si Robbie Manalang sa paghulog ng isang tres sa huling 1:02 ng laro upang itulak ang Adamson sa 71-69.
“I guess we were lucky to win that game,” sabi ni Adamson coach Franz Pumaren. “The whole game, we were struggling. We had a bad, flat start. We made a lot of mental mistakes. I guess this is a good test on our part that in the crucial moments of the game, we could survive a game like this.”
Natabunan ng kabiguan ng UP ang personal best na laro ni Jun Manzo na nagtala ang 19 puntos.
Kinolekta naman ng nagtatanggol na kampeong De La Salle University ang ikalimang panalo matapos nitong biguin ang University of the East, 106-100, sa laban na nagtala ng ilang bagong rekord at personal best.
Itinala ni Alvin Pasaol ng UE ang 49 puntos, dagdag ang walong rebounds, apat na steals at isang block upang maging bagong rekord sa pinakamaraming puntos na naisagawa ng isang manlalaro sa liga.
Huling nagtala bilang pinakamaraming puntos sa UAAP si Jeff Napa ng National University sa pagtala nito ng kabuuang 43 puntos sa 98-92 panalo ng National University Bulldogs kontra Adamson noong Agosto 22, 2002.
Nakagawa naman ng 38 puntos si Kiefer Ravena noong 2003 habang kapwa may 35 puntos sina Jeron Teng at Bobby Ray Parks Jr. noong 2012.
Nagtala rin ng kanilang career high sina Ben Mbala at Abu Tratter ng La Salle. Kumulekta si Mbala ng kabuuang 39 puntos, 15 rebounds, 2 assists at 2 blocks habang si Tratter ay may 24 puntos at 10 rebounds.
Hindi naman natulungan ng league record ni Pasaol ang Red Warriors na nahulog sa ikaanim na sunod na kabiguan upang makasalo ang University of Santo Tomas Growling Tigers sa dulong puwesto habang umakyat sa solong ikalawang puwesto ang Green Archers.