MULING pinatunayan ng ABS-CBN na ito ang tahanan ng mga natatanging endorsers, entrepreneur shows, at hosts dahil sa 11 parangal na natanggap ng Kapamilya network kabilang na ang Advertiser’s Friendly Network sa Comguild Academe’s Choice Awards.
Tinanghal ang public affairs show na My Puhunan bilang Best Entrepreneurial/Business Show, habang ang batikang mamahayag na si Karen Davila ang nanalo bilang Best Entrepreneurial/Business Show Host.
Nasungkit din ng Kapamilya artists ang ilang parangal sa Comguild na pinangunahan nina Robi Domingo (Advertisers Friendly Male Host) at Simon “Onyok” Pineda (Most Admired Child Endorser).
Kabilang din sa listahan ng Kapamilya winners ang King of Primetime na si Coco Martin (Male Endorser of the Year), Pop Royalty Sarah Geronimo (Female Endorser of the Year), Liza Soberano (Most Loved Female Teen Endorser), Anne Curtis (Advertisers Friendly Female Host), at ang momshies na sina Karla Estrada, Melai Cantiveros at Jolina Magdangal (Advertisers Friendly Morning Show).
Wagi rin bilang Advertisers Friendly Morning Show ang Magandang Buhay.
Kumikilala ang Comguild Academe’s Choice Awards sa mga Filipino endorsers, entrepreneur shows, at hosts na may makabuluhang ambag sa larangan ng negosyo, pangkabuhayan, marketing, at advertising.
Samantala, speaking of Coco, hindi na kami nagtataka kung bakit siya ang itinanghal na Male Endorser of the Year dahil kitang-kita naman ang ebidensiya. Mula umaga hanggang gabi ay napapanood si Coco sa iba’t ibang TV commercial, bukod pa ‘yan sa sandamakmak niyang billboard sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kasabay nito, nananatili pa ring numero uno sa ratings game ang kanyang Primetime Bida action serye na Ang Probinsyano na nitong Lunes lang ay nakakuha muli ng 40% sa Kantar Media. Ibig sabihin, sa mahigit dalawang taon nitong pamamayagpag sa ere ay wala pa ring nakakatibag sa nag-iisang Teleserye King.