ALAM mo ba na ang kuto ay isa sa karaniwang problema ng mga estudyante sa pampublikong paaralan.
Mayroong pag-aaral ang Department of Education at University of the Philippines na nagsasabing ang kuto ang ikatlo sa karaniwang heath problem ng mga mag-aaral.
Ang isang babaeng kuto ay maaaring mangitlog ng anim na beses sa isang araw. Tumatagal naman ng isang linggo bago mapisa ang itlog na ito.
Sumisipsip ang kuto ng dugo mula sa anit. Dahil makati, kinakamot ng mga estudyante ang kanilang ulong may kuto na maaaring magsugat. Kapag nagkasugat ito ay maaaring maimpeksyon.
Meron din social effect ang kuto sa isang estudyante. Kadalasan ang batang may kuto ay tinutukso ng kanyang mga kaklase o kalaro. Lalo namang kahiya-hiya kung ang may kuto ay bagets na, at nagiging tampulan ng tukso sa mga grupo.
Madaling mahawa ng kuto dahil bukod sa gumagapang ito posible rin itong malipat sa iba sa pamamagitan ng paggamit ng suklay, headband, sumbrero at mga katulad na bagay, na ginamit ng taong may kuto.
Pwede rin itong makuha kung ang may kuto ay nakikipag-share ng kanyang tuwalya, at pwede rin siyang makahawa sa katabi niya sa pagtulog.
Kung hindi kuto ang direktang mailipat sa iyo, maaari naman na ang itlog nito.
Gamot
Kadalasan, kinukutuhan ang mga batang may kuto. Bumibili ng suyod para mas madaling makuha ang kuto at lisa. May mga tao na gigil na gigil sa pagpisa sa kuto gamit ang kuko at gustong gusto nila kapag pumuputok ito nang malutong.
Marami na ring brand ng mga produkto na maaaring gamitin para mamatay ang kuto. Kalimitan na mayroong pesticide ang mga produktong ito na ginagamit katulad ng shampoo.
Ang Pyrethrin ay isang uri ng pesticide na nakukuha sa bulaklak ng chrysanthemum. Pinapayagan ang paggamit nito sa mga edad dalawang gulang pataas.
Bago gumamit ay si-guruhin muna na walang allergy sa chrysanthemum at ragweed ang gagamit nito.
Ang Permethrin naman ay isang synthetic pesticide na katulad din ng pyrethrin. Maaari itong gamitin sa mga dalawang buwan gulang na bata pataas.
Ang ibang produkto ay mayroon kemikal na Benzyl alcohol, Malathion, at Lindane.
May mga pag-aaral na nagsasabi na nakatutulong sa pagpatay ng kuto ang hair dryer dahil namamatay ang mga ito sa mainit na hangin.
May mga pag-aaral din na nahihirapang huminga ang kuto sa Olive oil. Nilalagyan nila ang kanilang buhok ng Olive oil na ibinabalot sa shower cup ng magdamag.
Sa ilang pag-aaral ay sinasabi na nababarahan ang daluyan ng hangin ng kuto kapag nalalagyan ng styling gel at petroleum jelly. Ang problema lang ay mahirap itong alisin sa buhok.
Paano iiwasan
Isyung personal hygiene ang pagkakaroon ng kuto. Kaya dapat ugaliing malinis ang buong katawan, meaning mula ulo hanggang paa. Iwasan ang manghiram ng gamit sa iba gaya ng suklay, sombrero o kahit anong bagay na inilalagay sa ulo.
Ugaliin ding i-check ang ulo kada tatlo o limang araw upang makatiyak na hindi nahahawa.
Huwag tumabi sa pagtulog o kaya’y humiga sa pinaghigaan ng taong apektado ng kuto.