Tiyak na makaka-relate ang lahat sa mga karakter nina Aiko Melendez, Jao Mapa, Joyce Penas Pilarsky at Ms. Anita Linda sa pelikula. May pagka-true-to-life ang movie na tumatalakay sa buhay ng mga teacher na nakikipaglaban sa hirap ng buhay para itaguyod ang kanilang mga pamilya.
Ayon kay direk Anthony, alay nila ito sa lahat ng mga teacher sa buong mundo kasabay ng selebrasyon nf World Teachers’ Day sa Okt. 5.
Nasanay na kami kapag hindi mainstream ang pelikula ay madilim ang mga eksena at medyo magulo ang editing kaya kadalasan ay nakakunot na ang noo namin habang nanonood at gustung-gusto na naming lumabas ng sinehan.
Aaminin namin na may mga eksena rin sa pelikula na nakakabagot pero napahanga kami sa kabuuan nito dahil ang liwanag, makinis ang pagkakagawa at hindi kami naligaw sa takbo ng kuwento kahit pinagdugtung-dugtong ang magkakahiwalay na kuwento ng apat na bida.
Siguradong ma-nanalamin ang ilang guro sa karakter ni Joyce Pilarsky na isang magaling na teacher na nagtitinda rin ng kung anu-ano sa paaralang pinapasukan para maitaguyod ang anak na maysakit, inang walang trabaho at anak na nag-aaral pa. Ipinakita rin ang kuwento tungkol sa kanyang co-teacher na inggitera.
Akala ng iba kapag nagtatrabaho ka sa ibang bansa ay marami kang pera. Ganito ang kuwento ni Aiko na nagtuturo ng English sa Korea para mabigyan ng magandang buhay ang pamilyang iniwan sa Pilipinas.
Ngunit ang hindi niya alam nilulustay lang ng kanyang asawa ang perang pinapadala niya habang nasangkot naman sa droga ang pa-nganay na anak.
May-ari naman ng junk shop ang role ni Jao Mapa na nangongolekta rin ng mga lumang libro para maibahagi sa mga batang hindi makapag-aral. Tinuturuan din niya ang mga ito kung paanong magbilang at magbasa.
Malinis at diretso ang script ng “New Generation Heroes” na ginamitan ng tamang dialogue kaya talagang makaka-relate ang mga manonood.
Halos lahat pala ng pelikula ni direk Anthony ay i-nililibot sa mga eskuwelahan sa probinsya para kapulutan ng aral ng mga kabataan at may basbas din ito ng Department of Education.