Kontrobersiyal na Mr. Secretary sisibakin na ni DU30?

DA who ang kontrobersiyal na Kalihim ng isang departamento na sinasabing on-the-way out na matapos naman ang kapalpakan niya at ang mga opisinang kanyang hinahawakan?

Usap-usapan ngayon na sisibakin na si Mr. Secretary sa harap na rin ng kontrobersiyang kinasangkutan hindi lamang niya, kundi ng mga ahensiyang direktang nasasakupan niya.

Balitang naghahanap na ng kapalit si Pangulong Duterte para iupo sa departamentong mababakante ni Mr. Secretary.

Umpisa pa lamang kasi ng kanyang pag-upo bilang Kalihim, sunod-sunod na ang kapalpakan ni Mr. Secretary.

Bukod pa rito, puro kontrobersiya rin ang kinasangkutan ng mga ahensiyang direktang nasa pamamahala ni Mr. Kalihim.

Pinakahuli rito ang kapalpakan ng isa sa mga ahensiyang kanyang hinahawakan.

Unang sinisi ng Kalihim ang mga nakaupo sa ahensiya sa sunod-sunod na sablay sa operasyon nito.

Sinibak pa nga niya ang dalawang kawawang opisyal na maraming dekada na ang serbisyo sa ahensiya para lamang maghugas kamay sa mga kapalpakan na nangyari.

Ngunit matapos ang gawing sacrificial lamb ang dalawang kawawang career officials, naulit na naman ang kapalpakan sa ahensiya.

Dahil walang ibang masisi, idinahilan ni Mr. Secretary na may nananabotahe ng kanilang operasyon.
Kung tutuusin, kung paiiralin ang command responsibility, ang Kalihim dapat ang umako sa mga sablay ng ahensiya pero tila dedma si Mr. Secretary dito.

Sa kabila naman ng pagtatangkang iligtas ang sarili sa mga kapalpakan sa ilalim ng kanyang liderato, usap-usapan na nga ang nakatakdang pagsibak sa Kalihim.

Malakas kasi si Mr. Secretary dahil sa kanyang padrino pero kung pagbabasehan ang pagsibak kamakailan ni Pangulong Duterte kay Martin Diño sa SBMA, hindi rin nakakagulat kung masisibak din ang Kalihim.

Hindi bat malaki ang utang na loob ni Pangulong Duterte kay Diño matapos namang siya ang pumalit sa huli bilang substitute candidate ng PDP-Laban para makatakbo noong 2016 presidential elections.

Sa kabila naman nito hindi pa rin nakaligtas si Diño kayat pinalitan din siya sa SBMA.

Nangangahulugan ito na hindi rin kataka-taka na totoo na aalisin na si Mrs. Secretary sa puwesto sa kabila na kaalyado ni Pangulong Duterte ang kanyang padrino.

Kung matutuloy ang pagsibak kay Mr. Secretary, hangad na lamang natin na may K na ang ipapalit sa kanya at hindi dahil sa malakas lamang ang backer.

Tiyak kong hindi nyo na kailangan ang clue sa kontrobersiyal na opisyal na tinutukoy ko.

Read more...