MULI na namang nakatanggap ng award si Sylvia Sanchez mula sa PEP List bilang Actress of the Year para sa programang The Greatest Love.
Nakatunggali ng aktres sa nasabing kategorya sina Glaiza de Castro (Encantadia), Julia Montes (Doble Kara), Lovi Poe (Someone To Watch Over Me) at Regine Velasquez (Poor Señorita).
Pasasalamat ng aktres, “Alam n’yo po, masarap yung pakiramdam na mapansin kami, yung hirap namin, yung hirap ko bilang si Gloria, masarap sa pakiramdam,” sabay taas ng kanyang plaque. “Pero ito, mas masarap po ito, bonus din po ito! Kaya maraming-maraming salamat sa lahat ng naniniwala sa pag-portray ko bilang Gloria.”
Dagdag pa ng aktres, “Ito po ngayong bago kong gagawin, I’ll make sure na kung nagampanan kong mabuti si Gloria, dito, sisiguraduhin kong magagampanan ko rin uli. Congratulations sa lahat ng staff, director, sa lahat ng GMO unit, ABS-CBN, atin ito. Thank you po.”
Nakamit din ng programang The Greatest Love ang Editors’ Choice for Daytime Series of the Year award na tinanggap naman ng executive producer ng programa na si Marielle de Guzman-Navarro.
Hindi rin nagpahuli ang pasaway na anak ni Gloria sa serye na si Amanda na ginampanan ni Dimples Romana, dahil siya ang tinanghal na Best Supporting Actress of the Year.
Going back to Sylvia, sulit lahat ng hirap at pagod niya dahil sa kaliwa’t kanang papuri sa lahat ng ginagawa niya sa showbiz.
Natutuwa kami para sa aktres dahil kabilang na siya sa hanay ng mga veteran stars na mabanggit lang ang pangalan na makasama sa isang proyekto ay talagang hindi nagdadalawang-isip na tanggapin ito.
May mga kilala kasi kaming artista na mabanggit lang ang pangalan nila ay ayaw nang gawin ang project at kadalasan naming naririnig na reklamo ay, “May attitude ‘yan o laging late sa set o kaya naman, diva-diva at dapat sasambahin mo siya.”
Ay grabe pala ang ilang artistang kilala namin, walang ganitong ugali si Sylvia dahil ni minsan hindi siya nag-attitude sa set, laging on time o mas maaga pa sa call time at laging handa at higit sa lahat, ayaw niya ng sinasamba siya, gusto lang niya, irespeto siya bilang tao at nakatatanda sa mga batang kasama niya sa project.