NITONG nakaraang Lunes, humirit na naman ang mga jeepney drivers ng panibagong tigil-pasada.
Ipinuprotesta nila ay ang nagbabadyang jeepney phaseout na nais na ipatupad ng pamahalaan para sa katinuan ng lansangan sa bansa.
Walang duda na ang mga jeep at mga jeepney drivers ang problema ng lansangan, na sinusundan ng mga bus, driver nito at mga taxi.
Kahit saan ka magpunta ay laging trapik at ang sanhi ay ang walang rekwang estilo ng pagmamaneho ng mga jeepney drivers.
Nariyan na huminto sila sa gitna ng lansangan para magsakay o magbaba ng pasahero, o kaya ay bumalagbag sa gitna at gawing terminal ang isang kanto, o kaya ay pawardi-warding bumaybay ng lansangan na animo ay nakainom ng isang case ng beer ang jeep nila.
Wala ng pag-asang umayos ang jeepney sa bansa kaya dapat ay alisin na lang sila. Isama mo pa dito na hindi ligtas ang mga jeep sa kalye.
Walang seat belt, walang quality control ang paggawa ng lahat ng parte ng jeep at ang makina ay lumang diesel na bumubuga ng usok sa mukha nating lahat.
Nais ng Department of Transportation na palitan ang jeepney na kilala natin ngayon ng mga electric jeepney.
Ang problema ay sobrang mahal ang mga ito sa P1.4 milyon kada isa.
Delikado rin ang mga electric jeep dahil malamang na ituring na parang cell phone ng mga driver ito at isaksak sa charger pag tulog sila tulad ng ginagawa sa mga cell phone. Masusunog ang bahay nila sa ganitong sitwasyon.
Sana ay kausapin na lang ng DOT ang mga lokal na manufacturers ng kotse sa bansa at sa kanila ibigay ang assignment sa pagpalit ng mga jeepney. Tutal ay sa kanila naman na galing ang paboritong UV Express at FX Taxi ngayon.
Mas mura sa P1.5 mil-yon ang mga sasakyang tulad ng Inova, Urvan at L300 na siyang paborito ng mga nagpapasada ng UV Express.
Safety compliant pa ang mga ito at ang mga makina nila ay umaayon sa Clean Air Act ng bansa dahil kailangan sila sumunod sa engine emission laws.
At ang pinakamalaking contribution ng ganitong plano sa bansa ay ang trabaho para sa mamamayan dahil kapag lumaki ang demand para sa mga sasakyang ito na ipapalit sa jeep ay maaaring magtatayo ng mas madaming pabrika ang mga car companies tulad mng Toyota, Mitsubishi, Honda at Nissan sa bansa.
Hindi ba mas simple ito kaysa sa iniisip ng DOTr ngayon?
Auto Trivia: Alagaan ang preno ng kotse ninyo. Kapag may nadidinig ka na parang gumagasgas na tunog sa gulong ng kotse mo, isa itong senyales na nauupod na ang brake pads mo at kailangan mo na itong palitan.
Importanteng laging maayos ang brake pads para mabilis huminto ang sasakyan kapag kailangan. Sinisira rin ng bakal ang brake drum o disc brake kapag upod na ang brake pads.
Para sa reaksyon o komento sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.