Noven: Hindi ako nagbayad para madismis ang kaso ko sa Cebu!

WALANG naganap na settlement at hindi nagbayad ng kahit magkano ang Tawag Ng Tanghalan grand winner na si Noven Belleza para ma-dismiss ang sexual assault case na isinampa laban sa kanya ng isang singer sa Cebu.

Nagdesisyon ang complainant na huwag nang ituloy ang kaso kaya agad itong ibinasura ng korte noong Aug. 31, ayon kay Noven. “Dismissed po yung kaso kasi nilaban ko po. Na-dismiss po ng judge. Wala na siyang gustong ilaban pa, wala din po siya sa mga hearing.”

Nilinaw ng binatang singer na hindi niya binayaran ang babaeng nagdemanda sa kanya at walang nangyaring out-of-court settlement, “Kausap ko po palagi yung abugado ko. Kung may settlement man, kasi pera ko ang gagamitin, ayoko po.”

Nakausap ng ilang miyembro ng entertainment press si Noven sa induction ng mga bagong miyembro ng Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-aawit (OPM) kasama ang iba pang Tawag Ng Tanghalan Season1 grand finalists sa pangunguna ng presidente ng OPM na si Ogie Alcasid.

Ano ang mga natutunan niya sa nangyaring demandahan? “Marami po akong napulot na mga aral po. Una mo po talagang matatakbuhan kung may mga problema ka ay ang pamilya mo. Para ngang naano na ako na magtiwala nang sobra sa isang tao. Hindi basta-basta magtiwala kahit kanino, except sa pamilya mo.”

Sa kabila ng pagkaka-dismiss ng kaso, marami pa rin ang nagagalit sa kanya, “Sa mga nagba-bash sa akin, may mga ano rin po kasi, alam mong may bashers ka, tapos may mga taong tagahanga ka, sila naman po yung tumutulong sa ‘yo na huwag na lang pansinin.”

“Gawin mo na lang yung nakakabuti sa ‘yo, yung motivation ko. Ganyan po ang paalala sa akin ng mga supporters ko,” aniya pa.
Naisipan ba niyang mag-quit na lang sa pagkanta noong kasagsagan ng kontrobersyang kinasangkutan niya? “Hindi po, kasi nananalangin po ako araw-araw, e. Tsaka naniniwala po ako sa Diyos. Kung mga pagsubok lang yun, iniisip ko na mga pagsubok lang talaga yun, e.

“Kasi hindi ko naman talaga ginawa, e. Tsaka walang pagsubok na hindi kayang lampasan. Hindi magbibigay si Lord ng pagsubok na hindi mo kayang lampasan. Iglesia Ni Cristo po ako, yun ang paniniwala ko,” positibong pahayag pa ng binatang singer.

Dagdag pa ni Noven, sa kanyang mga karanasan niya huhugutin ang emosyon sa handog na bagong musikang katuparan ng kanyang mga pangarap.

“Marami akong inspirasyon ngayon. Hindi nawawala ang pamilya, kasi anuman ang problema na dumating sa ‘yo, nalulugmok ka man, nanghihina, wala kang ibang matatakbuhan kundi sila – pinakauna iyan. Pangalawa, sa mga taong sumusuporta sa akin, sa Novenatics ko,” aniya pa.

Kamakailan, inilunsad ang nakakaantig na music video ng unang single niyang “Tumahan Ka Na” kung saan ipinapakita ang mga pinagdadaanan ng pamilya ng mga overseas Filipino worker at sundalo at maging ng mga sawi sa pag-ibig. Patok na patok ang single ni Noven dahil consistent number one ito at sampung linggo nang nananatili sa radio charts.

“Sa tingin ko maraming makaka-relate sa mga kanta ko kasi pampasigla ng mga naaapi. Kung nanghihina ang loob mo, kung maririnig mo ang mga kanta ko, may magmo-motivate sa ‘yo na palakasin ka,” ani Noven.

Ngayong linggo, nakatakdang ilunsad ang kanyang kauna-unahan niyang album mula sa Star Music.

Read more...