FANEY na faney (read: tagahangang-tagahanga) ng isang female personality ang isang negosyanteng nakumbinse ng isang taga-showbiz na magprodyus ng pelikula.
Walang kaalam-alam sa likaw ng bituka ng pelikula ang businesswoman, pero pumayag ito, dahil sobrang tagahanga ito ng aktres na igagawa nila ng pelikula.
So, mabilisang tinawagan ng tagapamagitan ang aktres, kailangan daw nilang mag-meeting ng baguhang producer, sumagot naman ang female personality, darating daw siya.
Heto na. Halos maglulundag sa tuwa ang businesswoman nang makita na nito ang kanyang idolo nang harap-harapan. Kinanta pa nga nito ang mga pinasikat na piyesa ng kanyang idolo.
Kuwento ng aming source, “Marami silang pinagkuwentuhan, faney na faney nga pala ni ____ (pangalan ng pamosong singer-actress) ang baguhang prodoo, kaya okey agad sa kanya ang budget na hinihingi ng director.
“Natapos ang meeting, masayang-masaya ang producer, ang dating pangarap daw niya, e, natupad na, ang makita nang personal ang idolo niya. Hindi lang basta ganu’n, nagyakapan pa sila nang super-higpit ng idolo ng kabataan niya,” kuwento ng aming impormante.
Heto na. Wala pang isang oras silang nagkakahiwalay ay tumunog ang cellphone ng bagitong prodyuser. Ay, ang kanyang idolo ang tumatawag, kaya halos mapalundag pa ito sa sobrang saya nang sagutin ang telepono.
Balik-hirit ng aming source, “Mismo! Ang idol nga niya ang nasa kabilang line! Naloka ang prodoo sa hirit ng idolo niya dahil nangungutang na siya! Kailangang-kailangan daw niya ng datung, biglaan daw ang dahilan, kaya nu’ng oras ding ‘yun niya kailangan ang sagot ng producer niya.
“Parang pinagpawisan nang malapot ang producer, what is the meaning of this? Naloka siya, bakit ganu’n, hindi pa nga sila nagpipirmahan ng kontrata, nag-usap pa lang sila, pero inuutangan na siya ng star of the movie?
“Sandali lang, sabi ng prodoo sa kausap niya, babalikan na lang daw niya ang idolo niya. Tinawagan ng prodoo ang friend niya. Ayaw na raw niyang mag-produce, dahil nawalan na siya ng gana.
“Ayun, hindi na natuloy ang pelikula, umurong na ang kapitalista, nawalan ng gana dahil hindi pa man, e, inuutangan na siya ng idolo niya!” pagtatapos ng aming impormanteng nakataas ang kilay sa 10th floor.
Naku naman, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday at Ching Bautista Silverio, kailangan n’yo pa ba naman ng clue tungkol sa babaeng personalidad na bumibida sa kuwento?