MASAYA kami para kay Devon Seron dahil siya lang ang nag-iisang leading lady sa pelikulang “You With Me”, isang Korean-Filipino movie kung saan makakasama niya ang K-Drama actor na sina Jin Ju-Hyung at Hyun Woo.
Alam ng lahat na hindi malaking artista sa Pilipinas si Devon at manaka-naka lang ang project na naibibigay sa kanya at pawang mga support lang.
Kaya marahil ay maraming nagulat nang mapasama siya sa pelikulang “You With Me.” Na-shock nga raw ang dalaga na ganu’n kalaki ang proyektong ito.
“Nalaman ko lang po ‘to sa friend ko, isa po siyang make-up artist sa production at sa pagkakaalam din niya, gagawa lang sila ng indie film. Hindi ko rin po alam na may kasama ring international artists. Ang pagkakaalam ko lang po, magsu-shoot kami sa Korea pero mga artists, Pinoy din.
“So, ako naman po, naengganyo kasi sobrang gusto ko mag-indie film, gusto kong matuto pa. Sabi ko sa kaibigan ko, kahit mapasok na lang ako sa audition, okay na sa akin. So ‘yun po, hindi lang ‘yun ‘yung luck ko that time. Nu’ng nakapasok na ako, talagang na-reveal na ‘yung iba pang blessings kaya sobrang thankful po ako?”
Ang dalawang Korean actors na leading men ni Devon ay kilala rin sa Korea. Una si Hyun Woo na nakilala sa Koreanovelang Pasta at sa sitcom na I Live In Cheongdam-dong, at nakasama rin sa K-Pop project na “24/7”. Pang-apat na pelikula pa lang niya ang “You With Me”.
Ang isa pang ka-loveteam ni Devon sa movie ay si Jin Ju-Hyung na nakasama sa mga K-Drama series na Suspicious Partner, Cinderella And Four Knights, Blade Man at Scandal: A Shocking and Wrongful Incident.
Natatawa lang si Devon kapag tinutukso siya ng press sa dalawang partner niya.
Mas mainit ngayon ang mga K-Drama at K-Pop sa Pilipinas kaya biglang tumaas ang tingin ng mga Pinoy kay Devon. Imagine, sa dami ng sikat na Star Magic artists, siya ang napili para bumida sa nasabing pelikula.
Since love triangle ang “You With Me” na idinirek ni Rommel Ricafort mula sa Gitana Film Productions, RR Films/Entertainment at Film Line Pictures Production LTD, Seoul Film Commission ay tinanong sa presscon ang dalaga kung sino kina Jin Ju at Hyun Woo ang tipo niya at kung sino ang nagpaparamdam
sa kanya.
Sagot ni Devon, “Hindi po ako ma-assume. Natatakot din ako, so kung mayroon ngang ganu’n, sana masabi sa akin nang direkta. Kasi sobra po silang maalaga, parang yung kinalakihan po nila ganu’n.
Parang kung iisipin mo, mag-a-assume ka talaga, pero hindi po talaga. Sa ngayon po, getting to know each other muna kaming tatlo.”
Hindi naman niya itinangging na-attract siya sa dalawang Koreano, “Siyempre, napakasuwerte kung sino man yung magiging girlfriend o mapapangasawa ng mga taong ito.”
Pero lagi raw nakakausap ng dalaga si Jin Ju-Hyung, “Nakakausap ko siya ng seryosohan. Nakakapag-communicate kami nang maayos, nag-i-English po siya. Nakakapag-open up ako sa kanya ng mga personal problems, siyempre siya rin sa akin.
“Si Hyun Woo naman po, masayahin po siyang tao, joker din. Maalaga rin po siya katulad ni Ju-Hyung,” paglalarawan ng aktres.
Ano naman ang masasabi ni Jin Ju Hyung kay Devon, “She’s kind and her personality is so nice and she has a good manner, she’s good.”
Kumusta ang relasyon naman niya kay Devon, “We’re just friends, close friends, we always talk to each other in English, we can communicate easily.”
q q q
Natatawa naman ang entertainment press kay Jin Ju Hyun dahil panay ang banggit nito sa pangalan ni James Reid at baka raw magselos ito kapag nireto siya kay Devon. Naging crush kasi ni James si Devon pero hindi naman sila nagkaroon ng relasyon.
Pinagkuwento naman si Devon kung paano katrabaho ang Koreans, “Unang-una po, ‘yung dedication nila sa work nila, ‘yung tipong wala silang eksena pero nandoon sila at naghihintay sa set para sa next scene o double scene kahit na gaano katagal. Hindi sila maarte.
“At ang nakakatuwa po ay mga actor pa ang nagse-set ng meeting para mag-work shop kami, mag-live reading para maging ready kami pagdating sa set. Ang sarap pa nilang katrabaho, iba ‘yung experience talaga, nakaka-down to earth at nakaka-humble ‘yung mga ginagawa nila,” kuwento ni Devon.
Base sa trailer ay romantic comedy ang “You With Me” at showing na ngayong araw. Kasama rin dito sina Tonton Gutierrez, Assunta de Rossi, Jon Lucas, Hazel Faith dela Cruz at ang mga Korean actors na sina Lee Seung-Yun, Sung In-Ja, Shin Dong-Hun, Lee Soo-Ryun, Oh Ja-Hun at ang Hashtags.