NAKALUTANG ngayon sa alapaap ng kaligayahan si John Lloyd Cruz. Kahit anong pigil pa ang gawin sa kanya ngayon ay mananatiling bingi ang mahusay at sikat na aktor.
Ganu’n naman ang taong umiibig, harangan man ng sibat ay pilit na umaalpas, kaya kung ang kasalukuyang sitwasyon ang pag-uusapan ay hindi bibitiw si JLC kay Ellen Adarna.
Ipinagtanggol pa nga niya ang sexy star at ang mga kaibigan nito nang ilabas ang kanyang video habang nagwawalwalan sila sa beach. Wala raw kasalanan ang tropa, nagpapakasaya lang daw sila, samantalang ipinakita na nga siyang langung-lango at nakangarat pa ang mga daliri.
Ayon sa ilang kaibigan ng aktor ay ngayon lang daw kasi niya ine-enjoy ang kanyang buhay na palaging inaasinta ng publiko.
Pagod na pagod na raw si John Lloyd sa pagkakulong sa imaheng hindi naman siya. Maraming bawal sa kanya. Hindi siya puwedeng makita ng publiko na lasing. Hindi rin siya puwedeng magbabad sa mga bar dahil makaaapekto ‘yun sa mga produktong ineendorso niya.
Ngayon pa lang daw talaga nakawawala si JLC sa mundong nagdamot sa kanya ng totoong kalayaan, sinasamantala lang daw niya ang panahon, kaya siya nagkakaganyan.
Sana nga lang ay huwag matikman ni John Lloyd ang mga negatibong balik sa kanya ng mga pinaggagagawa niya ngayon. Hindi biro ito. Nag-iisip na siguro ngayon ang mga ahensiyang dating tiwalang-tiwala sa kanya.