Ika-14 sunod panalo asam ng Lyceum Pirates


Mga Laro Ngayon
(Filoil Flying V Centre)
2 p.m. San Sebastian vs Letran
4 p.m. Lyceum vs EAC
Team Standings: *Lyceum (13-0); *San Beda (12-1); JRU (7-6); Letran (7-6); San Sebastian (6-6); EAC (6-7); Arellano (5-8); Perpetual (4-8); St. Benilde (3-10); Mapua (1-12)
* – semifinalist

NAKATUTOK ang nananatiling walang bahid kabiguan na Lyceum of the Philippines University Pirates sa ika-14 sunod na panalo habang tatlong koponan na naghahabol ng silya sa Final Four ang magtatangkang mauwi ang krusyal na panalo ngayon sa NCAA Season 93 men’s basketball sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.

Unang magsasagupa alas-2 ng hapon ang Letran Knights at season host San Sebastian Golden Stags bago sundan ng salpukan ng Emilio Aguinaldo College Generals at Lyceum Pirates alas-4 ng hapon.

Una nang inokupahan ng Lyceum ang isa sa apat na silya sa Final Four matapos hablutin ang ika-13 diretsong panalo na hindi na magagawang habulin ng iba pang koponan maliban sa nasa ikalawang puwesto na defending champion San Beda College na nasiguro rin ang kanilang silya sa semifinals sa kabuuang 12-1 kartada.

“Hindi namin iniisip na nasa Final Four na kami dahil baka hindi makatulong sa team dahil may chance na mag-relax at magkumpiyansa sa susunod na laro, na mahirap mangyari,” sabi ni Lyceum coach Michael “Topex” Robinson.

Posible rin na mangyari ang stepladder semifinals kung magagawa ng Pirates na mawalis ang lahat ng mga laro nito sa eliminasyon. Sakaling mangyari ito ay agad na tutuntong sa kampeonato ang Lyceum habang hihintayin nito kung sino ang magwawagi sa huling tatlong papasok sa Final Four.

Sasagupain ng Pirates ang nasa ikalimang puwesto na EAC Generals na may bitbit na 6-6 panalo-talong kartada at kailangan din na ipanalo ang lahat ng mga natitira nitong laro upang makaagaw ng silya sa semifinals.

Nabigo ang EAC sa huli nitong laro kontra Arellano University Chiefs, 84-79.

Importante naman ang panalo sa Knights, na bitbit ang 7-6 panalo-talong karta kasalo ang Jose Rizal University Heavy Bombers, para manatili alinman sa ikatlo at ikaapat na puwesto bagaman inaasahang dadaan ito sa matinding pagsubok sa pagsagupa sa Stags na napag-iiwanan lamang ng kalahating laro sa likuran sa 6-6 kartada.

Huling tinalo ng Letran ang maagang napatalsik na Mapua Cardinals, 88-79, habang binigo naman ng San Sebastian ang huling nakatapat na College of St. Benilde Blazers, 73-61, upang kapwa buhayin ang kanilang tsansang maagaw ang isa sa huling dalawang pinag-aagawang silya sa Final Four sa kanilang mga natitirang laban.

 

 

Read more...