Eroplano bumagsak sa dagat, di pa makita

Di pa matagpuan ang eroplano na bumagsak diumano sa bahagi ng dagat na malapit sa San Agustin, Romblon, umaga.
Nagsagawa ng search operation sa dagat ang mga tauhan ng San Agustin Police, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Coast Guard, Bureau of Fire Protection, at Rural Health Unit pero Lunes ng hapon ay wala pang matagpuan ni debris ng sasakyang panghimpapawid, sabi ni Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng MIMAROPA regional police.
Base sa impormasyong natanggap ng pulisya, bumagsak umano ang sasakyang panghimpapawid sa bahagi ng dagat na nasa pagitan ng Brgys. Agbayi at Binongaan dakong alas-8:30.
Tinatayang 50 kilometro ang layo ng kinabagsakan sa Tablas Airport, ani Tolentino.
Unang inulat ng isang kawani ng MDRRMO ang insidente, at may tatlong residente ng Brgy. Binongaan na nagsabing nakita nila ang pagbagsak ng sasakyang panghimpapawid, aniya.
Sa natanggap namang impormasyon ng Office of Civil Defense 4B, lumalabas na tila maliit na “private plane” ang nadisgrasya, bagamat di malinaw ang pagkakita umano dito dahil makulimlim ang kalangitan.

Read more...