Kaugnay nito, inulat ng mga otoridad na kinakitaan ng mga tama ng bala ang dalawang nasawing Vietnamese, pati na ang kanilang bangka.
“Confined, or controlled area ‘yung area na ginagalawan nila (Navy sailors) ngayon,” sabi ni Lt. Col. Isagani Nato, tagapagsalita ng Armed Forces Northern Luzon Command.
Ito aniya’y para matiyak na “available” ang mga miyembro ng Navy para sa inquiry na isinasagawa ng PNP Criminal Investigation and Detection Group.
“They (sailors) were all required to submit affidavits,” sabi pa ni Nato.
Apatnapu’t siyam na crew member ng BRP Miguel Malvar (PS-19) ang iniimbestigahan, ayon sa Pangasinan provincial police.
Una dito, inulat ng pulisya na kinakitaan ng mga tama ng bala ang dalawang mangingisdang Vietnamese na natagpuang patay matapos maengkuwentro ng kanilang bangka ang barko ng Navy.
Isa sa kanila’y kinakitaan ng mga tama sa baba, dibdib, at likod, habang ang isa pa’y may tama sa likod ng kaliwang tenga, ayon sa ulat na nilabas ng Pangasinan provincial police Lunes.
Kinakitaan din ang bangka ng mga Vietnamese ng anim na “bullet holes” sa storage area sa unahan, kaliwang bahagi, at likuran, ayon sa ulat.
Sinasabi na ang mga nasawi, nakilala bilang sina Le Van Liem at Le Van Reo, ay kinuha ng mga kapwa nila mangingisda sa storage area, at dinala lamang sa deck matapos ang engkuwentro sa dagat.
Nasa kostudiya ngayon ng pulisya ang iba pang mangingisda, na nakilala bilang sina Pham To, Phan Lam, Nguyen Thanh Chi, Phan Van Liem, at Nguyen Van Trong.
Ayon kay Nato naganap ang girian dakong ala-1 ng umaga Sabado, 34 nautical miles mula sa Cape Bolinao, matapos habulin ng BRP Miguel Malvar ang isa sa anim na Vietnamese fishing vessel na namataang gumagamit ng “superlights.”
“Sadly, ayon sa report, ‘yung isang vessel binangga niya ‘yung Navy ship natin,” aniya.
Tumanggi nang magbigay si Nato ng karagdagang detalye, dahil may nagaganap pa aniyang imbestigasyon at ang Department of Foreign Affairs na ang awtorisadong magbigay ng pahayag.
Naganap ang engkuwentro ilang araw lang matapos maaresto ng crew ng BRP Miguel Malvar ang lima pang Vietnamese national, para din sa iligal na pangingisda, sa bahagi ng dagat na malapit sa Iba, Zambales, noong nakaraang Martes.
Noong Set. 2016, matatandaang 17 iba pang Vietnamese na mangingisda ang naaresto din at kinasuhan para sa iligal na pangingisda sa bahagi ng dagat na malapit sa Ilocos Sur .
Matatandaan ding pinalaya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 17, Nobyembre ng taon ding iyon, matapos hilingin ng Embassy of Vietnam.
Pinabaunan pa ng Pangulo ng mga souvenir, jacket, bigas, gulay, de latang pagkain, krudo, at hygiene kits ang mga pinalaya, sa isang send-off ceremony.
MOST READ
LATEST STORIES