MALAKAS ang naging impact sa mga Dabarkads all over na universe ng Miss Millennial Philippines beauty pageant ng number one and longest running noontime variety show na Eat Bulaga sa GMA 7.
Talagang inaabangan ng mga manonood ang bawat paglalakbay ng mga kandidata sa nire-represent nilang lugar para ibandera at ipagmalaki ang mga magagandang tanawin doon, local delicacies, makulay na kasaysayan at kultura.
Sa halos dalawang buwan, 38 kandidata mula Luzon, Visayas at Mindanao ang nagtampok ng kagandahan ng kanilang mga probinsya sa 2017 Miss Millennial Philippines.
Ito’y bahagi pa rin ng anniversary ng Eat Bulaga kung saan mas binibigyang importansiya ang pag-promote sa turismo ng isang siyudad o probinsiya sa pamamagitan ng mga creative at eye-catching photos at videos.
Sina Sarah Madrigal ng Lapu-Lapu City, Cebu, Jasmine Bungay ng Pampanga at si Allyza Molly Teodoro ng Davao City ay tatlo lamang sa 38 kalahok na sumabak sa hamon ng MMP.
“Nakakapanibago siya kasi ibang-iba ito sa usual na pageant na nakasanayan na namin. Ang maganda rito, hindi kami pressured or expected na maging ladylike, bagkus kami ay hinihikayat na maging natural sa harap ng kamera at sa mga posts namin sa social media,” ani Bungay.
Ayon naman kay Teodoro, “Kailangan namin mag-participate sa mga weekly tasks at tuloy-tuloy ang pag-update sa aming mga social media pages. Para sa akin, magandang daan ito para mai-promote ang a-ming siyudad.”
Para naman kay Madrigal, “Essentially, we are hitting two birds with one stone. Kasama na kami sa isang nationwide contest and at the same time, nakakatulong pa kami sa aming bayan. Laking pasasalamat ko na tinulungan ako ng aming local tourism office.”
“Sino pa ba ang nasa best position na mag-represent ng kanilang lugar kundi ang mga kababaihan na ito,” saad ni Jeny Ferre, creative head ng EB. Dagdag pa nito, sa pamamagitan ng mga challenges, mas makikita ang itinatagong galing, talento at talino ng mga millennials.
Naniniwala din sina Madrigal, Teodoro at Bu-ngay na ang nationwide competition tulad ng Miss Millennial Philippines 2017 ay isang magandang daan para mabigyan ng bagong imahe ang mga kabataan.
Gusto ng mga ito na ipakita sa lahat na kahit sa technological age ngayon, ang mga millennials ay responsable, may malasakit sa kalikasan at may kakayanan na maging active members ng society.
Samantala, maituturing na isang malaking achievement para sa Eat, Bulaga ang maging daan para mas mapaglapit ang mga manonood mula sa iba’t ibang lugar at antas ng pamumuhay sa pamamagitan ng programa.
Ngunit nilinaw din ni Ferre na sa huli, ang MMP ay isa pa ring beauty pageant. Magpapatalbugan ang mga kandidata base sa kanilang talento at talino ngunit ang mga tourism materials na kanilang mga na-produce ay may mala-king bearing sa finale.
Sabi ni Ferre, “Pipiliin namin ang pinakamahusay, nararapat, at may confidence na i-represent hindi lamang ang kanyang probinsya, kundi pati na rin ang buong bansa.”
Ang mapipiling Miss Millennial Philippines 2017 ay mananalo ng isang condominium unit mula sa Bria Homes, brand new Mitsubishi Montero Sport at P500,000. May hihirangin ding Miss Bayanihan Queen sa finals night, siya ang kandidata na nakakuha ng pinakamataas na text and online votes na mag-uuwi ng P100,000 at P1 milyon para kanyang probinsya.
Ngayong Sabado na, Sept. 30 ang Miss Millennial Philippines grand coronation night sa Eat Bulaga kaya tutok na!