NAGMO-MONITOR pala ng mga write-ups si Jerico Estregan na bida sa pelikulang “Amalanhig” mula sa VicVal Blue Production at Viva Films na idinirek ni Jun Posadas. Personal nitong pinasasalamatan ang mga nagsulat tungkol sa kanilang proyekto.
At ang ama nitong si former Laguna Gov. ER Estregan ay natutuwa rin sa mga nasulat tungkol sa anak dahil nga finally at nakikilala na rin ang binata lalo na sa ginampanan nitong karakter sa “Amalanhig” bilang lider ng mga estudyanteng gustong tuklasin ang katotohanan sa Vampire Chronicle.
Sa ginanap na advance screening ng “Amalanhig” sa Robinson’s Gallerica Cinema 3 ay sinuportahan ng mga kaibigan ng pamilya Estregan ang pelikula ni Jerico kaya naman todo ang pasasalamat niya sa mga ito.
Launching movie ni Jerico ang “Amalanhig” at pasable naman ang ipinakita niyang akting dito, lalo na sa mga fight scenes niya na parang kumakarate kid ang peg. On the works na ang follow-up movie niyang “Ben Tumbling” na mas madrama at mas maaksyon.
Stuntman si Ben at mahusay sa karate kaya siya kinuha sa mga pelikula at mala-palos din kaya nalulusutan ng mga pulis.
Base sa report ay sobra ang galit ni Ben sa ilang pulis Malabon noong kapanahunan niya dahil ni-rape daw ang kanyang asawa bukod pa sa pinahirapan siya habang nakakulong dahil sa mga salang car jacking at drug trafficking.
Hanggang sa nakilalang siga-siga ng Malabon si Ben at dahil sa mala-palos nitong kilos ay tinawag siyang Ben Tumbling na napasama sa Most Wanted List. Edad 23 nang mapatay siya sa isang ambush na sinet-up ng mga pulis.
Mukhang bagay kay Jerico ang papel na Ben Tumbling lalo’t mahusay siya sa martial arts pero may payo kami sa baguhang aktor, mag-aral pa siyang mabuti ng Tagalog.
Kapag kasi mahaba na ang linya niya ay may tendency na mubulol siya dahil nga Inglisero ang binata.