UPANG maiwasan ang anumang aberya sa pagkakamit ng benepisyo, pinaalalahanan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga miyembro nito na panatilihing aktibo ang kanilang pagiging miyembro.
Sa pamamagitan ng PhilHealth Circular 2017-0007 na inilathala noong ika-12 ng Hunyo 2017, tinukoy ng PhilHealth na ang mga aktibong miyembro ay mga rehistradong miyembro na may qualifying contribution at sufficient regularity of payment upang makakamit ng benepisyong medikal.
Ang qualifying contribution ay sapat na bilang ng kontribusyon ayon sa pinakamababang bilang ng hulog na kailangan upang magkamit ng benepisyo, habang ang sufficient regularity of payment naman ay tuloy-tuloy at walang patlang na paghuhulog ng prima.
Habang ang hindi aktibong miyembro ay ang mga rehistradong miyembro ng PhilHealth nguni’t walang sapat na hulog ng kontribusyon kung kaya’t hindi maaaring magkamit ng benepisyo mula sa ahensiya.
Binibigyang diin ng Circular na ang mga hindi aktibong miyembro lamang ang maaaring ideklara bilang mga dependent ng aktibong miyembro. Ito ay alinsunod sa PhilHealth Board Resolution Bilang 2160, s. 2016 o ang resolusyon na nag-aapruba sa pagpapalit ng kategorya mula miyembro patungong dependent o mula dependent patungong miyembro, at ang kahulugan ng aktibo at di-aktibong miyembro.
Dapat din na tiyakin ng mga miyembro na updated ang kanilang Member Data Records (MDRs) at may sapat na hulog upang makakamit ng benepisyo kung kakailanganin. Kailangan ding siguraduhin na ang ospital o pagamutan na pupuntahan at maging ang manggagamot na titingin ay accredited ng PhilHealth.
Ilan sa mga maaaring makamit ng mga aktibong miyembro, kabilang na ang kanilang mga kwalipikadong dependent, ay benepisyong medikal kung maoospital, mga benepisyong medikal para sa mga outpatient surgeries at mga pakete para sa malulubhang karamdamang nangangailangan ng mahabaan at magastos na gamutan.
Para sa mga hindi aktibong miyembro na nais muling gawing aktibo ang kanilang pagiging miyembro, maaari silang bumisita sa pinakamalapit na tanggapan ng PhilHealth. Maaari din silang tumawag sa 24/7 Corporate Action Center Hotlinesa (02) 441-7442 o magpadala ng sulatroniko sa actioncenter@philhealth.gov.ph.
May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog1977@gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.
Ang inyo pong lingkod ay maaari rin mapakinggan sa Radyo Inquirer DZIQ 990AM sa Programang Let’s Talk; Mag-usap Tayo, tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, alas-7 hanggang alas-8 ng gabi; at Isyu ng Bayan tuwing Linggo, alas-8 hanggang alas-10 ng umaga. Maaari rin po ninyo na matunghayan o mapanood sa pamamagitan ng live streaming www.ustream.tv/channel/dziq.