MATAGAL na panahon nang hindi nagkakasundo ang isang magandang aktres at ang kanyang ina.
Palagi silang magkakontra sa opinyon, halos wala silang pinagkakasunduan, mainit ang dugo ng nanay sa kanyang anak.
Ayon sa kuwento ay matindi ang galit ng ina ng aktres sa kanyang ama, kaya sa kanya nabubunton ang lahat-lahat, isang bagay na kinalakihan na ng aktres.
Kuwento ng aming source, “Kawawa ang girl na ‘yun habang lumalaki. Walang pakialam sa kanya ang mommy niya. Mabuti nga at nag-artista siya, kumikita ng sarili niyang pera, dahil kung hindi, hanggang ngayon, e, kawawang-kawawa siya.
“Nu’ng bata pa si ____ (pangalan ng magandang aktres), e, pumapasok siya nang walang baon, nakikikain lang siya sa mga kaibigan niya, masaklap ang buhay na pinagdaanan niya,” simulang kuwento ng aming source.
Kaya naman pala balon ng emosyon ang magandang aktres na ito. Sa isang pitik lang ng direktor ay agad na siyang lumuluha, hagulgol pa nga kung kailangan, dahil meron siyang pinaghuhugutan.
Pero nagbago na ang sitwasyon nu’ng maging popular na ang aktres. Mabait na sa kanya ang mommy niya, lalo na kapag may kailangan ito, na ibinibigay niya naman.
“Naging pasaway naman ang mommy niya, hindi inilalagay sa ayos ang mga pinaggagagawa niya. Tama bang mga bagets ang nagiging karelasyon ng nanay niya? Ayaw na ayaw niya ‘yun, pero ano’ng magagawa niya, pag-aawayan lang nila ‘yun!
“Maagang humiwalay sa poder ng nanay niya ang girl. Nu’ng kumikita-kita na siya, e, nag-decide siya na kumuha na ng isang condo unit, sigurado kasing mag-aaway lang silang mag-ina kapag magkasama sila.
Magaling magdala ng problema ang girl, di ba?
“Kung titingnan mo lang siya, e, para bang wala siyang binibitbit na kahit anong problemang pampamilya, although wala tayong alam tungkol sa family niya, hindi siya nagkukuwento.
“Kaya naman pala ang dali-dali niyang umiyak, kaya naman pala konting tapik lang ng kaeksena niya, e, cry kung cry na siya.
“Maganda siya, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, wala siyang maling anggulo, katunog ng name niya ang isang klase ng isdang maliit na ang sarap-sarap kapag iniluluto nang maraming-maraming kamatis!” pagtatapos ng aming source.