KAPAG marunong magmaneho, may puhunan ka na!
Madalas na nating naririnig yan sa mga OFWs. Pero mapakinabangan ang puhunan na ‘yan, kailangan ng lisensiya na magpapatunay na may kakayahan nga ang isang nagtataglay noon at pumasa’ sa iba’t ibang mga pagsasanay.
Driver’s license ang isyu ng isang OFW mula Macau.
Mahigit dalawang buwan siyang nagtrabaho sa isang trading company roon bilang driver.
Bago siya umalis ng Pilipinas, nagpa-renew siya ng kaniyang lisensiya. Ang problema, walang available na credit card type license noon kung kaya’t isang pirasong papel lamang ang ibinigay sa kaniya. Iyon ang O.R o official receipt mula sa Land Transportation Office o LTO.
Ramdam ng ating OFW ang kawalang-tiwala ng kaniyang employer sa resibong iyon. Halos araw-araw siyang kinukulit ng amo at hinahanap ang kaniyang driver’s license kung dumating na raw iyon mula sa Pilipinas.
Desperado na ang ating OFW kung kaya’t naniwala ito sa mga kasamahan niya sa Macau na magpadala na lamang ng pera sa Pilipinas na lalakad sa kaniyang lisensiya.
Gumamit siya ng fixer at umabot pa sa P8,000 ang naipadala niya, ngunit hindi rin nailabas ang kaniyang lisensiya.
Dahil hindi agad maibigay ang lisensiya, nagdesisyon ang employer ng ating kababayan na pauwiin na lang siya.
Hindi niya akalaing kakanselahin ang kaniyang work visa sa panahong umuwi siya ng Pilipinas.
Hanggang Oktubre ng 2017 ang kaniyang visa ngunit pinutol na iyon ng Macau immigration.
Maging ang employer niya ay wala ring alam na kakanselahin ang kanyang visa.
Lumapit sa atin ang OFW. At nakita naming mabilis na tulong na maaaring maibigay sa kaniya ay ang hilingin sa ating Konsulado ng Pilipinas sa Macau na makipag-ugnayan sa employer nito at alamin kung ano nga ba ang status ng employment nito.
Mabilis namang umaksyon si Labor Attache’ Vivian Tornea ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) at nakausap niya ang employer ng ating OFW.
Ayon sa employer, terminated na ang OFW dahil pinauwi na nga nila ito dahil walang driver’s license.
Lungkot na lungkot ang ating OFW. Hindi niya akalaing mawawalan siya ng trabaho dahil lamang sa kaniyang driver’s license.
Lisensiya rin ang dahilan ng pagpapauwi kay Eric, OFW mula sa Qatar. Trailer driver ang inaplayan ni Eric. Ngunit pagdating sa Qatar, kulang ang restriction na dapat ibinigay sa kaniya. Kailangan ‘anyang 1,2,3 at 8. Wala ang numerong 8 sa kaniyang driver’s license.
Pagkukulang ito ng ahensiyang nagpaalis kay Eric. Hindi nila napansin ang kakulangan sa numero 8.
Kaya naman ang kaawa-awang OFW ginawang janitor sa loob ng anim na buwan at pagkatapos, saka pinauwi.