DEAR Ateng Beth,
Magandang araw po. Salamat po sa Bandera dahil meron kayong ganitong uri ng babasahin. Kahit papaano meron po akong masasabihan ng problema ko. Hindi ko kasi masabi sa parents ko at maging sa mga friends ko ang problem ko.
Nabasa ko po kasi yung problem nung isang nanay na pinuproblema yung kanyang anak na napapabarkada sa mga bading.
Ang problema ko naman po, ay may gender issue rin ako. Bading ako, pero hanggang ngayon ay di ko masabi sa nanay ko. Inaakala niya na lalaki ako, nirereto na nga po ako sa anak ng kaibigan niya. Hindi ko masabi sa kanya na iba ang gusto ko.
Ganon din sa mga friends ko, hindi ko masabi. Natatakot kasi akong husgahan nila ako at pagkatapos layuan. Yung best friend ko lalo, baka iwanan ako. Baka hindi niya ako maintindihan. Tulungan mo naman po ako. Salamat, ateng Beth.
Rommel, Iloilo City
Hello, hello, hello, Rommel!
Well, alam mo na siguro ang kasabihan na “honesty is the best policy”?
Nowhere to go kundi umamin sa sarili at sa taong malalapit sa atin ang makakapagpatahimik ng ating kalooban. Pero, ang kaso, sa palagay ko, ikaw mismo sa sarili mo ay hindi mo matanggap na ikaw ay bading.
Maigi siguro, teh, kausapin mo na si mudra. Aminin na kay nanay ang sitwasyon mo. Aminin sa pamilya mo kung ano ang tunay mong pagkatao. Problema na nila iyon kung hindi ka nila matanggap.
Oo, maaaring hindi nila matamggap sa una pero wala naman silang choice dahil hindi naman nila pwedeng putulin ang pagiging magkapamilya ninyo dahil lang sa berde ang dugong nananalaytay sa iyo.
Kung hindi nila matanggap, quiet ka na lang muna. Pero, patuloy na maging mabuting anak at kapatid.
Ganon din sa bestfriend mo at sa iba mo pang tropa. Pero bet, alam na nila o nagdududa na sila sa kasarian mo. Kung hindi nila keri kung ano ka, ganun talaga. Hanap na lang ulet ng bagong mga kaibigan na pwede kang tanggapin bilang ikaw.
Siyempre dahil marami ang nagpapalagay na kakaiba ka, huhusgahan ka.
Pero mas tolerant na rin kasi ang tao ngayon sa mga beki, basta wag na lang magkalat o magwala.
Magpakadisente ka pa rin, magpakabuti at responsable. Yun ang mas importante, kaya, go, go gurl!
– Ateng Beth