PAPALITAN ng mga pulis sa Davao City ang lahat ng mga pulis sa Caloocan City na pinatalsik dahil sa pagpatay ng tatlong pulis sa 17-anyos na si Kian Lloyd delos Santos at ang pagpasok ng ilang pulis-Caloocan sa isang bahay ng walang search warrant.
Nanawagan si Philippine National Police (PNP) Chief Ronald “Bato” dela Rosa sa kanyang mga dating tauhan sa Davao City police station na mag-volunteer ang ilan sa kanila upang punuan ang puwestong nabakante sa Caloocan.
Ang tanong: Papayag kaya ang mga pulis sa Davao City, na disiplinado, na italaga sa Caloocan?
Mahihiwalay sila sa kanilang mga pamilya.
Mas matataas ang mga bilihin sa Metro Manila kesa Davao City. Dapat ay kinokonsidera yan ni Bato.
Maaaring sa Davao City ay sapat ang sahod ng mga pulis doon dahil sa mura ang mga bilihin.
Full support in terms of dagdag sa kanilang sahod ang lokal na pamahalaan ng lungsod sa mga pulis kaya’t hindi sila nagloloko.
Kapag na-displace ang mga pulis-Davao City dahil sa kanilang pagkakalipat, baka gayahin nila ang mga nauna sa kanila sa Caloocan.
Pag-isipan ni Bato bago siya mag-decide na palitan ng Davao City policemen ang mga natanggal na pulis sa Caloocan City.
Puwede namang kumuha sa mga iba’t ibang lugar sa Metro Manila o kaya sa mga lugar na malapit sa Metro Manila gaya ng Cavite o Bulacan.
Bakit sa Davao City pa?
***
Sinupalpal ng Malakanyang si Ilocos Norte Congressman Rudy Farinas matapos nitong ipagdiinan na dapat hindi hinuhuli ng mga traffic enforcers ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga kongresista na lumabag sa batas trapiko.
Sa lahat ng sinabi ni Farinas na masasabing isang brilliant legislator, ito ang palpak.
At bakit bibigyan ng immunity ang mga kongresista sa paglabag ng traffic laws?
Sila ang lawmakers, dapat sila ang ehemplo sa pagsunod sa batas.
***
Baka sa susunod, hihingin ng mga kongresista na dapat silang bigyan ng immunity sa mga kasong plunder kahit na magnakaw sila ng malakihang pera ng bayan.
At baka hingin din nila na huwag din sila kasuhan sa mga krimen na murder, rape at drug trafficking.
Kung sabagay, may ilan sa kanila ay maaaring protector ng mga sindikato ng droga.
***
Halos taun-taon ay may namamatay na estudyante sa hazing sa kanilang mga fraternity na sinasalihan.
At malaking balita kapag ang isang estudyante, lalo na’t siya ay angkan ng mayaman o prominenteng tao, ang biktima.
Kasalanan nila na pumasok sila sa fraternity.
Alam nila ang kanilang papasukan, bakit sila nagpumilit?
***
Wala sanang mangyaring karahasan ngayong araw na tinatawag ng mga militante na “national day of protest.”
Puwede nating batikusin ang gobiyerno ni Digong dahil sa mga extra-judicial killings at mga abusadong pulis. Dapat lang.
Pero sana ay huwag nating idaan sa pagiging bayolente.
Let’s not force the government to take counter-measures like declaring martial law throughout the country.
Kung kilala ko si Digong, gagawin niya yan if he is driven to a corner.