SINASABI na nga ba. Sa unang gabi pa lang ng kanilang engkuwentro ay lumuhod na agad ang mga tala sa Ang Probinsiyano. Malayo ang numero!
Paano naman tatalunin sa rating ng kahit anong serye pang tatapat sa kanila ang pinagbibidahang palabas ni Coco Martin? Ngayon pa bang pagkaiinit na ng mga tagpo sa serye?
‘Yung episode nu’ng Lunes nang gabi kung saan itinakas ni Ricardo Dalisay ang dalawang kasamahan niyang bihag ng Pulang Araw ay parang isang bonggang action movie na ang katulad sa mga eksenang ipinamalas ng Ang Probinsyano.
Grabe ang bakbakan sa pagitan ni Dalisay at ng traydor na grupo ni Alakdan (Jhong Hilario na nagbubuo na ng sarili nitong grupong makakalaban ng Pulang Araw). Matindi ang mga putukan, makapigil-hininga ang mga eksena, paano naman tatalunin ng anumang programa ang serye ni Coco Martin?
Mukha ng ating lipunan ang daloy ng istorya ng Ang Probinsyano. Kung ano ang nagaganap sa ating bayan ang mapapanood nila sa kuwento ng palabas. May mga sinserong lingkod-bayan, may mga traydor, tulad ng mga nagaganap sa ating pamahalaan.
Kaya lumipad man nang lumipad at makipagbakbakan ang bumibida sa katapat nilang palabas ay walang pangako ng tagumpay ‘yun. Ang serye pa rin ni Coco Martin ang hinahanap ng mga mata at sikmura ng ating mga kababayan.