HANDANG-HANDA na ang Charity Diva na si Token Lizares para sa launch ng kanyang bagong album na may titulong “Till The World Is Gone” sa ilalim ng Vehnee Saturno Music Corporation.
Ito’y kasabay ng kanyang concert sa RJ Bistro, Dusit Thani Hotel, Makati, 8 p.m. sa Sept. 30. Mabibili na ang “Till The World Is Gone” sa Astro Vision/Astro Plus music stores sa buong bansa at mada-download na rin ang digital copies nito sa Spotify, Amazon, iTunes at Google Play Store.
May limang tracks at limang minus one ang album kabilang na riyan ang “Ikaw Ang Sagot”, “Ganyan Ka Kamahal”, “One Life To Live” at ang carrier single na “Till The World Is Gone” na isinulat kahat ng award-winning composer na si Vehnee Saturno. Kasama rin sa album bilang bonus track ang composition ni Token na “Time Moves On.”
Speaking of “Till The World Is Gone”, trending ngayon ang music video nito sa YouTube kasama ang actor na si Al Tantay bilang leading man ni Token. Kasama rin sa music video sina Kiel Alo at Ella San Andres sa direction ni Miggy Tanchangco.
Naka-schedule na rin ang mall at radio tours ni Token sa darating na Oktubre. Maririnig na sa mga local station ang “Till The World Is Gone.” Ayon kay Token, malaki rin ang utang na loob niya sa Aficionado ni Joel Cruz at sa Ysa Skin Care Clinic dahil palaging nakasuporta ang mga ito sa kanyang mga charity works.
In fairness, talagang mula noon hanggang ngayon ay consistent ang veteran singer sa pagtulong sa mga kapuspalad nating mga kababayan sa iba’t ibang panig ng bansa. Talagang kinakarir niya ang pagko-concert at paggawa ng album para makalikom ng pondo na itutulong niya sa mga orphanage, homes for the elderly, para sa construction ng mga simbahan at emergency room sa mga government hospital.
Ilan sa mga tinutulungan niya ay ang Holy Family Home, ABS-CBN Bantay Bata at Balay Dalangpan, St. Mary’s Home for the Aged, Boy’s Home, Calvary Home, Suntown Camp Foundation, Home for the Blind, Girls Home, Lingkod ER, Breast Care Foundation, Corazon Locsin Montelibano Memorial Hospital at Franciscan Sisters of St. Anthony.
Samantala, nakausap ng ilang members ng entertainment press at editors ang Charity Diva kahapon sa pamamagitan ng ating kaibigan and colleague Tita Mercy Lejarde at ibinalita nga nito na pinasok na rin niya ang pag-arte.
Sa katunayan, napapanood na siya sa afternoon series ng ABS-CBN na Pusong Ligaw kung saan gumanap siyang may-ari ng parlor at kaibigan ng komedyanteng si Shalala Reyes.
Bukod sa Pusong Ligaw, may indie film na rin si Token, isa siya sa mga bida sa pelikula ni Direk Bert Abihay Dagundong na “Burahin Ang Salot Sa Lipunan” na tungkol sa ilegal na droga. Pangarap din daw niyang makasama sa isang proyekto ang mga idol niyang sina Nora Aunor at Freddie Aguilar.
q q q
Sino ba ang mas may karapatan, ang pinakasalan o ang tunay na minamahal? Ihanda na ang mga puso sa isang matinding laban para sa pag-ibig ng dalawang babaeng minahal ng iisang lalaki sa magkaibang panahon sa pinakabagong Taiwanese drama na My Dearest Intruder simula ngayong Lunes sa Kapamilya Gold.
High school pa lang ay matalik na magkaibigan na sina Sharlene (Aggie Hsieh) at Ria (Amber An). Ngunit sa pagpasok ng kababata ni Ria na si Ivan (Melvin Sia), unti-unting magbabago ang kanilang iningatang pagkakaibigan.
Matagal nang may pagtingin si Ria kay Ivan, ngunit mas tumitibok naman ang puso ni Ivan para kay Sharlene.
Si Klarisse de Guzman ang kumanta ng “Wala Na Talaga” na official theme song ng programa. Huwag palalampasin ang My Dearest Intruder after The Promise Of Forever sa Kapamilya Gold.