Joshua, Jerome, Mccoy, Nash kanya-kanyang pasabog; huhusgahan na sa ‘The Good Son’


KANYA-KANYANG pasiklan sa bagong serye ng ABS-CBN at Dreamscape Entertainment na The Good Son ang apat na bidang young actor na siguradong aabangan ng manonood gabi-gabi.

Napanood namin ang unang tatlong episode ng serye sa ginanap na special screening nito nitong nakaraang Lunes at simula pa lang ng kuwento ay agaw-eksena na ang apat na bidang sina Nash Aguas, Mccoy de Leon, Jerome Ponce at Joshua Garcia.

Bago pa namin mapanood ang ilang episode ng The Good Son ay humarap na sa ilang press ang apat na bagets kung saan hiningan sila ng reaksyon kung sakaling ikumpara sila sa isa’t isa kasama na rin ang leading ladies nilang sina Alexa Ilacad, Loisa Andalio at Elisse Joson, kung sino ang mas maraming exposure sa programa at kung posible bang magkaroon ng sapawan.

“Wala na po sa isip ko ‘yun kasi nabigyan kami ng mga role actually hindi lang kaming apat, lahat naman nabigyan ng iba’t ibang character at mas inisip po namin na mabigyan ng justice ‘yung role.

“At kung ikukumpara kami, siguro magiging proud na lang kami sa isa’t isa kasi nasa iisang show kami, mas maganda sigurong magtulungan kaysa magkumparahan,” sagot ni Mccoy.

Say naman ni Loisa, “Para po sa akin, siguro ‘yung mga pagko-compare ay normal na lang sa mga tao at hindi po maiiwasan, pero lahat po kasi kami rito magkakaiba ang character.”

Para naman kay Alexa, “I think being compared kahit sa boys is a normal thing people will always compare you especially since halos same age kami. But it’s not really something that gets to us anymore, actually a normal thing for us, we just let it pass and it doesn’t affect us. Since we’re really friends like genuine friends we don’t believe in the comparison that other people say.”

Ang punto naman ng tinutuksong pinaka-institution sa grupo na si Nash, “Hindi naman po ako naapektuhan na ikumpara kina Mccoy, Joshua at Jerome kasi marami na rin naman akong teleseryeng nagawa, mapi-feel mo sa ibang teleserye na nagkakaroon ng parang kumpetensiya, pero dito po (The Good Son) kasi, sobrang ganda nu’ng script, sobrang hirap ng mga role namin, may mga unique silang pinaghuhugutan kaya dito kami nag-improve at nandito kami para magtulungan.”

“Tama po si Nash, hindi po talaga maiwasang ma-compare, pero kasi hindi na kami magpapaapekto sa mga ganu’n kasi masaya kami na may trabaho kami, masaya kami sa ginagawa namin at hindi namin iniisip na makikipagkumpetensiya kami sa isa’t isa. Basta ang masasabi ko po napakaganda ng show namin,” ang pahayag ni Joshua.

Ang The Good Son ay sa direksyon nina Manny Palo at Andoy Ranay na mapapanood na sa Set. 25, Lunes pagkatapos ng La Luna Sangre.

q q q

Going back sa apat na young actor ng Kapamilya Network, wala kang itulak kabigin sa ipinakitang akting ng mga ito sa unang tatlong episode ng The Good Son. Nakipagsabayan talaga sila sa mga veteran stars na kasama nila sa teleserye.

Ang maganda pa rito, magkakaiba ang atake nila sa kanilang mga karakter kaya lahat sila ay lumutang at nag-shine sa kanilang mga eksena. Sa katunayan, halos lahat ng dumalo sa special screening ng programa ay nagsabing nabitin sila sa kanilang napanood dahil kapan-panabik nga ang bawat eksena.

Makakasama rin sa The Good Son sina ang mga batikang aktor na sina John Estrada, Ronnie Lazaro, Jeric Raval, Alex Medina, Kathleen Hermosa at sina Eula Valdez at Mylene Dizon.

Base sa napanood naming patikim ng The Good Son, siguradong magmamarka na naman ang mga karakter nina Eula at Mylene sa mga manonood.

Read more...