Nationwide earthquake drill pinagpaliban

Ipinagpaliban ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang simultaneous earthquake drill na nakatakda sanang gawin sa Setyembre 21, matapos gawing national day of protest ni Pangulong Rodrigo Duterte ang petsa.
Inanunsyo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, chairman ng NDRRMC, ang pag-postpone sa drill Martes, sabi ni Undersecretary Ricardo Jalad, civil defense administrator at executive director ng council.
“Since most of the Regional DRRM councils have selected government offices and schools as pilot areas, the national council deemed it necessary to conduct the 3rd quarter [earthquake drill] to a later date. This is to ensure maximum participation,” sabi ni Jalad sa isang kalatas.
Inaalam pa kung kailan maaaring isagawa ang na-postpone na earthquake drill, aniya.
Una dito, idineklara ni Pangulong Duterte ang Set. 21 bilang “national day of protest,” kaya nasuspende ang klase sa mga pampublikong paaralan at trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno.
Dumating ang deklarasyon sa gitna ng pagbatikos sa schedule ng earthquake drill, na sumabay sa mga rally na itinakda ng iba-ibang grupo upang mag-protesta laban sa gobyerno at gunitain ang ika-45 anibersaryo ng Martial Law.
Ayon sa ilang kritiko, maaaring itinakda sa naturang petsa ang drill upang pabababain ang bilang ng mga dadalo sa mga rally.
“The NDRRMC conducts nationwide earthquake drills quarterly as one of the tools to promote disaster preparedness and resilience,” giit ni Jalad.
Bago ito, sinabi ni Pangulong Duterte na pinag-iisipan niyang gawing “holiday” ang Set. 21, ang araw kung kailan isinailalim ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang buong bansa sa martial law noong 1972.
Ayon kay Renato Reyes, secretary-general ng militanteng grupong Bayan, ipagpapatuloy ang malawakang kilos-protesta, holiday man o hindi.
“President Rodrigo Duterte can call the day whatever he wants but it won’t change the fact that it is a protest aimed at him and his fascist policies,” sabi ni Reyes sa isang kalatas.
“He can throw in class and work suspensions and even a nationwide earthquake drill and these still won’t change our resolve to hold the nationwide mass protests,” sabi pa ni Reyes.

Read more...