Pulis kinumpirma na sa hazing namatay ang UST law student

KINUMPIRMA ng Manila Police District (MPD) na sa hazing namatay ang 22-anyos na University of Santo Tomas (UST) freshman law student na si Horacio Tomas Castillo III.

Sinabi ni MPD Spokesperson Supt. Edwin Magarejo na pinalo ang mga braso ng biktima ng matigas na bagay at nagtamo pa ang biktima ng mga paso.

Kinumpirma ni Magarejo ang mga hinala na namatay si Horacio sa hazing.

Samantala, sinabi ng nanay ng biktima na si Carmina, na namatay ang kanyang anak sa cardiac arrest dahil sa tindi ng tinamong pinsala.

Isinailalim si Horacio sa autopsy ng mga miyembro ng medico-legal ng MPD.

“Namatay sya, inatake siya sa puso dahil sa injuries nya,” sabi ni Carmina.

Sinabi ni Carmina na dumalo ang kanyang anak sa welcome ceremony ng Aegis Juris fraternity sa UST noong Sabado.

Idinagdag ni Carmina na personal pa niyang inihatid ang kanyang anak sa paaralan noong umaga kung saan pumasok pa siya ng klase at pumunta sa fraternity kinagabihan.

Ganap na alas-9:00 ng gabi, sinabi ni Carmina na nag-text pa ang kanyang anak na nasa UST siya kasama ang mga kasamahan sa fraternity at nangako pang uuwi kinabukasan.

Nabigo namang umuwi ang kanyang anak noong Linggo.

Nakatanggap lamang ito ng text mula sa isang tao na hindi nagpakilala na nagsasabing nasa Chinese General Hospital ang kanyang anak.

Nalaman na lamang ni Carmina na natagpuang itinapon ang kanyang anak sa bangketa sa Balut, Tondo, Manila noong Linggo. Namamaga ang katawan nito, puno ng patak ng kandila at nakabalot ng kumot.

Idinagdag ni Carmina na isang nakamotorsiklo ang umano’y nakakita sa kanyang anak at dinala sa ospital kung saan ito idineklarang dead on arrival.

Base sa website ng Faculty of Civil Law ng UST, may akreditasyon ang Aegis Juris fraternity.

Read more...