Ay, ayokong mag-showbiz si Zia! Huwag muna!- Marian

MARIAN RIVERA AT DINGDONG DANTES INQUIRER

NAMANA ni Baby Zia ang pagiging friendly sa kanyang tatay na si Dingdong Dantes, habang ang pagiging super sweet naman ng bagets ay nakuha niya sa kanyang mommy na si Marian Rivera.

Sa bonggang wedding nina Vicki Belo at Hayden Kho sa Paris, France recently ay isa si Baby Zia sa mga pinagka-guluhan ng mga bisita dahil sa kabibuhan at kakyutan nito.

“Nakakatuwa nga kasi yung anak ko napaka-friendly, kaway nang kaway kung kani-kanino. Kumbaga, ‘Ay, hindi ako yan.’ In fairness sa anak ko, friendly,” ang tawa nang tawang pahayag ni Marian nang makachika ng ilang members ng entertainment media sa grand presscon ng bagong fantasy-comedy-action series na Super Ma’am.

Chika pa ng Kapuso Primetime Queen, “Kay Dong niya namana yon (pagiging friendly), pero yung pagiging sweet sa akin yon. Hayaan n’yo na, para meron namang karakter na nakuha si Zia (sa daddy niya) kasi lahat na lang daw sa akin. Bigay n’yo na sa asawa ko yon!”

Natanong din si Marian kung okay lang ba sa kanya na maging artista rin si Baby Zia? “Ay, ayoko siyang mag-showbiz. Ayoko pa! Ha-hahaha! Ewan ko ba, nasa dugo yata namin kasi nanay at tatay niya parehong…sobrang friendly talaga niya.

“Yung wave-wave, siya lang yon. Wave siya talaga kahit hindi niya kilala. Mahilig mag-ganu’n, friendly talaga,” aniya pa.

Kahit pareho silang busy ngayon ng kanyang asawang si Dingdong, they still make sure na nabibigyan pa rin nila ng quality time ang kanilang anak. Hirit ni Marian, “Si Dong talaga yung super busy talaga bilang may movie na siya at may soap. So, ako yung nag-a-adjust talaga. Eh, ang taping ko naman is MWF lang, so every other day andun naman ako para kay Zia.”

Ibinalita rin ng Kapuso actress na nanghihingi na raw ng kapatid si Zia, “Hiling niya baby brother daw. Pero sabi ko naman sa GMA, tatapusin ko ‘to and after nito, malay mo. Kasi naman kahit gustuhin ko pero kung hindi pa naman ipagkaloob ng Panginoon wala akong magagawa. Pero wishing talaga kami na sana, of course.”

Si Dingdong daw ang gustung-gusto magka-baby na uli sila, “Hindi naman siya yung nagbubuntis. Ako ang nagdadala. Kaloka siya. Demanding. Huwag muna!”

Samantala, magsasanib-pwersa naman ang Kapuso Primetime King And Queen sa primetime block ng GMA 7, idagdag pa riyan ang po-wers ni Heart Evangelista.

Simula ngayong Lunes, mapapanood na ang Super Ma’am ni Marian pagkatapos ng 24 Oras, ka-back-to-back-to-back ang Alyas Robin Hood nina Dingdong, Andrea Torres at Solenn Heussaff at ang My Korean Jagiya ni Heart kasama ang K-Drama heartthrob na si Alexander Lee.

Sa pagsisimula ng Super Ma’am, tutukan ang “supernaturally fantastic adventures” ni Minerva Henerala (Marian), isang guro na ang tanging nais lamang ay ang gabayan at maturuan ng tamang asal ang kanyang mga estudyante. Ngunit biglang magbabago ang kanyang buhay nang mabiktima siya ng Pinoy mythological creature na Tamawo.

Dahil dito, magkakaroon siya ng kakaibang powers at kapangyarihan hanggang sa kilalanin siya bilang si Super Ma’am na handang ibuwis ang buhay para malabanan ang mga kampon ng kadiliman sa mundo.

Makakasama ni Marian dito sina Helen Gamboa, Matthias Rhoads, Al Tantay, Jackie Lou Blanco, Joyce Ching, Kristoffer Martin, Jillian Ward, Jerald Napoles, Ash Ortega, Enrico Cuenca, Meg Imperial at Kim Domingo sa direksyon ni LA Madridejos.

Sa pagpapa-tuloy naman ng Alyas Robin Hood 2 ni Dingdong, asahan ang mas makapigil-hiningang aksyon at matitinding dramahan at pasiklaban ngayong alam na ni Pepe ang tungkol sa kanyang nakaraan at magdesisyong ibalik ang kanyang alter ego na si Alyas Robin Hood.

Kasama pa rin dito sina Jaclyn Jose, Jay Manalo, KC Montero, Solenn Heussaff, Edu Manzano at Andrea Torres, directed by Dominic Zapata.

q q q

K-lig pa more ang hatid naman ng first-ever Filipino-Korean romantic comedy series sa bansa, ang My Korean Jagiya ngayong pinaplano na ang “kasal-kasalan” ni Gia (Heart) sa kanyang ultimate crush na si Jun Ho (Alexander Lee) na gaganapin pa sa Korea.

Tinutukan ng viewers ang mga eksena nina Heart at Alex sa napakagandang Nami Island sa Seoul kung saan nag-sorry si Jun Ho kay Gia sa lahat ng mga kasalanan nito. In fairness, talagang pinag-usapan ito sa social media, lalo na ng mga adik sa K-Drama.

Ang tanong, mauwi kaya sa totohanan ang fake wedding nila? ‘Yan ang abangan sa My Korean Jagiya, kasama pa rin sina Ricky Davao, Janice de Belen, Iya Villania, Edgar Allan Guzman, Valeen Montenegro, Jinri Park at marami pang iba, sa direksyon ni Mark Reyes.

Read more...