Kailangan ang pagbabago

SURPRISING din naman ang pagkakapamigay ng Star Hotshots kay Allein Maliksi sa Blackwater.

Bale two-on-two trade ang nangyari kung saan kasama ni Maliksi na nalipat sa kampo ng Elite ang rookie na si Chris Javier. Nakuha naman ng Hotshots sina Riego Gamalinda at Kyle Pascual na dalawang dating manlalaro ng San Beda College.

So, kapag tiningnan ang palitan, masasabi bang parehas lang?

Siguro dahil sa baguhan ang kasama ni Maliksi at hindi naman first round pick si Javier noong nakaraang Draft.

Pero hindi naman mga star players ang naging kapalit. Hindi rin naman gaanong nagagamit sa Blackwater sina Gamalinda at Pascual bagamat minsang naging Best Player of the Game si Bambam.

Pero kung kategorya ng manlalaro ang pag-uusapan, aba’y lubhang angat si Maliksi.

Kasi kamakailan lang ay naging miyembro siya ng Gilas Pilipinas nang halinhan niya ang injured na si Paul Lee. So ibig sabihin ay tumataas ang antas ng laro ni Maliksi dahil sa pang-international na siya.

So dapat ay mataas din ang value nito sa palitan. Mas matinding manlalaro sana ang nakuhang kapalit ng Star. Sana may kasamang draft pick, hindi ba?

Pero minabuti ng Star na sina Gamalinda at Pascual ang makuha.

Bakit nga ba?

Well, hindi natin nalalaman ang tunay na dahilan bagamat may history si Maliksi sa team. Kung maaalala ay minsan nang hiniling ni Maliksi sa Star na i-trade siya noong si Jason Webb pa ang kanilang coach. Ito ay noong hindi siya masyadong nabibigyan ng playing time dahil sa sina James Yap at Alex Mallari lang ang nagagamit nang husto.

Well, naipamigay na sina Yap at Mallari. Si Yap ay nalipat sa Rain or Shine kapalit ni Lee. Si Mallari ay unang nalipat sa Mahindra bago napunta sa NLEX. Sana ay kuntento na si Maliksi.

Pero pati siya ay naipamigay na rin. So, total revamp ang nangyari sa posisyon ng tatlong manlalaro.

Maybe, that’s what the doctors ordered para mabago ang kapalaran ng Hotshots na nakalasap ng tatlong sunud-sunod na kabiguan.

Kasi nga, kapag nanatiling intact ang Star, baka magtuluy-tuloy ang pagsadsad nito.

Ibig sabihin any change is better than staying intact.

Kung magpapatuloy ang pagsisid, e di talagang kailangan nga ang malawakang balasahan. Kung mapipigilan ang pagsadsad, e di okay ang nangyaring trade.

Ang mahalaga ay may pagbabago.

Read more...