Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2 p.m. DLSU vs NU
4 p.m. Adamson vs UST
Team Standings: Ateneo Blue Eagles (2-0); NU Bulldogs (1-0); DLSU Green Archers (1-0); UP Fighting Maroons (1-1); FEU Tamaraws (1-1); UST Growling Tigers (0-1); Adamson Soaring Falcons (0-1); UE Red Warriors (0-2)
BUBUHAYIN nina De La Salle University coach Aldin Ayo at National University coach Michael Jarin ang pagiging magkaribal sa paghaharap ng defending champion Green Archers at Bulldogs ngayon sa UAAP Season 80 men’s basketball sa Smart Araneta Coliseum.
Maghaharap sa unang pagkakataon sina Ayo at Jarin matapos ang sagupaan sa kampeonato ng NCAA dalawang taon na ang nakalipas bitbit ang kanilang bagong koponan na DLSU at NU sa unang laro ganap na alas-2 ng hapon.
Matatandaan na si Ayo ay bitbit ang Letran noong 2015 nang hindi lamang hinubaran ng Knights nang korona kundi pinigil din nito ang asam ng San Beda Red Lions, na nasa ilalim noon ni Jarin, na maitala ang kauna-unahan sa kasaysayan ng pinakamatandang liga na NCAA na 6-peat.
Nakabawi si Jarin sa pamumuno sa Red Lions na agawin muli ang korona subalit hindi ang tsansa na makasagupa muli sa taktikal na labanan si Ayo na agad iniwanan ang Knights at lumipat para pamunuan ang Green Archers mabawi ang UAAP title para maging unang rookie coach na nagwagi ng korona sa dalawang collegiate basketball league.
Agad na nabago ni Ayo ang La Salle tulad sa isang wrecking crew sa pagtatala sa rookie coach record na 13-0 noong nakaraang taon bago tuluyang inuwi ang ikalawang sunod na korona.
Ipinamalas naman ni Jarin ang inisyal na pagbabago sapul hawakan ang Bulldogs sa pagkaramdam nito sa unang panalo sa liga matapos na paglaruan ng Bulldogs ang University of the East Red Warriors para sa unang panalo rin ng koponan, 86-69.
“Just like in an office work, we will be having our homework and that is preparing the team to a bigger challenge. We will enjoy first our first win and being on top of the leaderboard for at least a week and then we prepared hard for the important match,” sabi ni Jarin.
Isang kuwestiyon kung makakasama ngayon ng La Salle ang hindi nakalaro sa unang laban na Season 79 Most Valuable Player na si Ben Mbala kontra sa title-contender Far Eastern University. Hindi naman naging problema ng Green Archers ang pagkawala ng Cameroonian center sa pagwawagi nito sa Tamaraws, 95-90.
Inaasahan ang pagdating ni Mbala bago ang laro ng La Salle ngayon subalit hindi sigurado kung agad itong isasabak matapos maglaro para sa Cameroon national team sa quarterfinals ng 2017 FIBA Afrobasket Huwebes.
Ang La Salle big man ay nagtala ng double-double na laro subalit hindi kinaya ang Cameroon na makausad sa semifinals ng African championship.
Kumulekta si Mbala ng 32 puntos at 10 rebounds kasama ang tatlong steals sa kabiguan kontra Nigeria, 106-91. Ang laro ni.Mbala ay mas maganda pa sa dating NBA player na si Ike Diogu, na may 28 puntos at siyam na rebounds para sa Nigeria.
Samantala, agawan naman sa unang panalo ang Adamson Soaring Falcons at University of Santo Tomas Growling Tigers sa ikalawang laro ganap na alas-4 ng hapon.
Huling nabigo ang Soaring Falcons sa league leader Ateneo Blue Eagles, 85-65, habang ang Growling Tigers ay nalasap ang nakakadismayang 73-74 kabiguan sa buzzer-beating triple ni Paul Desiderio ng University of the Philippines Fighting Maroons.