BILANG bahagi ng ika-27 taong anibersaryo ng Inquirer Bandera ay magsasagawa ito ng isang benefit race ngayong Sabado, Setyembre 16, sa MetroTurf Racing Complex sa Malvar, Batangas.
Tinawag na PCSO-Bandera Cup, ang 1,400-metrong karerang ito ay sinuportahan ng Philippine Charity Sweepstakes Office at bahagi ng kita nito ay mapupunta sa Inquirer Newsboy Foundation.
Ang PCSO-Bandera Cup ay itinakda bilang ikalimang karera sa araw na ito at may guaranteed gross prize na P150,000 at tropeyo para sa magwawagi.
Itinalagang mga paborito sa naturang karera ang mga kabayong Precious Jewel at Wawrinka pero maaari ring manggulat ang mga longshot na sina Clan Leader at Buenos Aires.
May tsansa ring makalusot ang coupled entry na Sea Master at Masumax sa karerang may ayuda rin ng Boysen Paints, Unilab at EEG Development Corp.
Ang iba pang kalahok sa Race 5 ay sina Yoshiko, Queen Hayley, My Priviledge, Ilovehenry at Final Impact.
Ang Inquirer Bandera, isa sa pangunahing tabloid newspaper sa bansa ngayon, ay naggunita ng ika-27 anibersaryo nitong Setyembre 10.
Ang 2nd Bandera Benefit Racing Festival ay magsisimula sa Race 2 sa pag-arangkada ng Bandera-EEG Development Corp. race na may guaranteed gross prize na P120,000 at karagdagang P5,000 premyo para sa mananalo.
Ang Race 3 ay ang Bandera-Boysen Paints race na may guaranteed gross prize na P120,000 at P5,000 premyo para sa mananalo.
Ang Race 6 ay ang Bandera-Unilab race na may guaranteed gross prize na P120,000 at P5,000 premyo para sa magwawagi.
Ang festival ay magtatapos naman sa Bandera Mobile App race na may guaranteed gross prize na P120,000 at P5,000 premyo para sa mananalo.