Umabot na sa 18 katao ang naiulat na nasawi at siyam pa ang nawawala, batay sa ulat ng mga awtoridad Huwebes.
Kaugnay nito’y nakapagtala na ng mahigit P71.3 milyon halaga ng pinsala sa pananim at alagaing hayop sa Quezon at Cavite, ayon sa ulat ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council 4A.
Dahil sa mga epekto ng bagyo’y nagdeklara naman ng state of calamity ang lalawigan ng Laguna, pati mga bayan ng Gumaca, Quezon, at Noveleta, Cavite, ayon sa ahensiya.
Umabot sa 18,449 katao sa 112 barangay sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon ang naapektuhan ng bagyo, habang 94 bahay ang bahagyang napinsala at 17 ang nawasak, ayon sa RDRRMC 4A.
Nadagdag sa listahan ng mga nasawi si Eden Lacdao, 28, isa sa mga residenteng nawala matapos anurin ng baha ang ilang bahay sa Brgy. Parian, Calamba, Laguna, noong Martes.
Natagpuan ang bangkay ni Lacdao dakong alas-8 ng umaga Huwebes, malapit sa pampang ng Laguna de Bay na sakop ng Sta. Rosa City, ayon sa RDRRMC 4A.
Dahil dito’y apat katao pa ang nawawala sa Calamba. Sila’y sina Bucasio Monge, 1; Aries Mendoza, 2; John Edward Mendoza, 4; at Eureka Monge, 5.
Sa lalawigan ng Rizal, nalunod si Joshua Seguerra, 17, ng Antipolo City; at Marv James Ayade, 2, ng San Mateo; habang pakalunod din ang ikinasawi ni Marco Plurete, 16, ng Gen. Trias City, Cavite, ayon sa RDRRMC 4A.
May naiulat ding nasawi sa pagdaan ng bagyo sa rehiyon ng MIMAROPA, bagamat wala pang detalyeng naibigay ang mga awtoridad doon, sabi ni Romina Marasigan, tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Bukod naman sa apat na batang nawawala pa sa Calamba, nawawala rin sina Roldan Arroyo, 16, ng Rodriguez, Rizal; Arold Librea, 37, ng baras, Rizal; at Julio Dipon, 24, ng Buenavista, Quezon, ayon sa RDRRMC 4A.
Sa bayan naman ng Alabat, Quezon, pinaghahanap pa ang mga mangingisdang sina Ronnie Valenzuela, 44, at Renante Custodio, 42.
Huling nakita ang dalawa na sakay ng bangka sa bahagi ng dagat na sakop ng bayan ng Perez noong Lunes, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.
MOST READ
LATEST STORIES