Ang pagkakamali ni Pangulong Digong

SUMALI ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa international at local human rights groups sa pagbatikos sa extrajudicial killings (EJKs) ng mga taong sangkot sa droga.

Libu-libong drug suspects—addicts, pushers at drug traffickers—ang napapatay ng mga pulis at vigilante groups matapos tumuntong si Pangulong Digong sa Malakanyang at tuparin ang kanyang pangako na ilulunsad niya ang puspusang kampanya laban sa droga.

Ang kampanya laban sa droga ay parang digmaan: maraming mga  inosente o sibilyan ang nadadamay sa sagupaan ng dalawang panig gaya na lang ng pagpatay kay Kian Lloyd delos Santos, 17 anyos, ng mga pulis-Caloocan.

Marami-rami na rin ang mga pulis na nagmalabis sa pagpapatupad sa utos ni Pangulong Digong na linisin ang lipunan ng perwisyo na dulot ng droga.

Pero gaya ng sinabi ko na kanina, may tatamaan ng ligaw na bala o pang-aabuso ng ilan sa mga awtoridad sa puspusang kampanya.

Ngunit pagdating ng araw, kapag nagbalik-tanaw ang mamamayan sa mga panahong ito, pasasalamatan nila si Digong sa kanyang paninindigan na lipulin ang mga sangkot sa droga.

Karamihan ng mga di pangkaraniwang krimen ngayon ay ginawa ng mga taong lango sa shabu: mga tatay na nanggahasa ng kanilang sariling anak, mga lalaking pumatay ng kanilang biktima matapos nilang gahasain ang mga ito, mga anak na pumatay ng sariling magulang, o magulang na pumatay ng sariling anak.

Kapag kampante na ang mamamayan na sila’y ligtas sa mga masasamang-loob na lango sa droga dahil ang mga ito ay nagsimatayan na, sasabihin nila na tama lang ang ginawa ni Digong sa mga durugista at mga nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot.

Kahit na tumatanggap si Digong ng batikos kaliwa’t kanan dahil sa EJKs, mataas pa rin ang kanyang popularity at trust ratings.

Bakit? Dahil alam ng taumbayan na ginagawa lang niya ang mga ito para sa kapakanan ng lipunan.

 

***

Gaya ng ibang magaling na lider, si Pangulong Digong ay may ilang pagkakamali na ginawa.

Isa na rito ay ang paglagay niya sa puwesto ng mga opisyal na hindi karapat-dapat.

Halimbawa: Nicanor Faeldon sa Bureau of Customs, Caesar Dulay sa Bureau of Internal Revenue, Ronaldo “Bato” dela Rosa sa Philippine National Police, Martin Dino bilang chairman ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), Executive Salvador Medialdea at Justice Secretary Vitaliano Aguirre.

Si Faeldon, na isang sampay-bakod na opisyal ng Philippine Marines noon, ay natulog sa pansitan nang lumabas ang P6.4 bilyon shipment ng shabu sa Bureau of Customs.

Si Dulay, na inapoint dahil siya’y kasama ni Digong sa dormitoryo nang sila’y mga estudyante pa, ay nagbigay ng sweetheart deal sa Del Monte Corp., isang multinational, na nagkakautang sa gobyerno ng P30 bil-yon; pinabayad lang ito ni Dulay ng P65.4 milyon.

Si Dino ay isang sutil na ayaw umalis ng puwesto kahit na ilang beses na tinanggal bilang SBMA chairman ni Secretary Medialdea at inilipat sa Department of Interior and Local Government bilang undersecretary.

Sabi niya kay Medialdea wala itong karapatang alisin siya sa puwesto dahil malaki ang utang na loob ni Pangulong Digong sa kanya.

Walang magawa si Medialdea kundi pumunta na lang sa isang sulok at magmukmok.

Ibig sabihin, isang mahinang executive secretary o “little president” si Medialdea.

Si Dela Rosa naman ay iyakin at hindi ginagalang ng kanyang mga tauhan sa PNP at ng taumbayan.

Si Aguirre, na nagtapos ng law bilang class valedictorian, ay hindi matatas magsalita sa Ingles at palaging palpak kung siya’y magsalita.

Marami pang mga incompetent na opisyal sa administrasyon ni Pangulong Digong, pero saka na natin ibabanggit ang kanilang mga pangalan dahil kulang ang pahinang ito kapag binanggit silang lahat.

Read more...