“BONGGA akong magmahal, kasi alam kong kaya kong ibigay ‘yun sa lalaking mahal ko!” Iyan ang hugot ng singer-actress na si Roxanne Barcelo tungkol sa isyu ng pakikipagrelasyon.
Ilang beses na rin daw nabigo sa pag-ibig ang dalaga pero naniniwala pa rin siya na may “forever”, basta maniwala at manalig ka lang.
“Sumugal na rin ako sa pag-ibig, ilang beses na. So, I know and I believe that my experiences made me stronger and it made realize kung paano ako magmahal. At alam kong bonggang-bongga ako pagdating diyan,” ani Roxanne na very much in love ngayon sa kanyang foreigner boyfriend na si Will Devaughn.
Sey ng aktres, ang gustung-gusto niyang quality ni Will ay ang pagiging chill nito, wala raw pressure kapag kasama niya ang binata, “Kasi si Will is not the typical foreign boyfriend. Pero bet ko ‘yung lalaking malapit sa pamilya nila. Si Will malapit sa nanay niya, sobra!”
Nang tanungin si Roxanne sa nakaraang presscon ng pelikula nila ni Will na “I Found My Heart In Sta. Fe” kung ano ang magiging reaksyon niya kung sakaling biglang mag-propose sa kanya ang boyfriend, sasagot ba siya agad ng yes? “Sige, ganito na lang, siguro, para sa akin hindi basehan ang matagal na kayo, di ba?
“Kumbaga, for me, let’s cross the bridge when we get there. Ang hirap magsalita, kasi babae ako, e. Parang o-oo ako tapos hindi naman mangyayari. Chaka, di ba?”
Speaking of “I Found My Heart In Sta. Fe”, napanood na namin ang pelikula at talaga namang amaze na amaze kami sa mga lugar na pinagsyutingan nina Will at Roxanne sa Bantayan Island sa Cebu. Napakaganda pala talaga ng islang ito na mas lalo pang nagbigay kulay at kakaibang kilig sa pelikula.
Bagay na bagay sina Roxanne at Will sa mga karakter nila sa movie at siguradong maraming makaka-relate sa kuwento, lalo na sa role ni Roxee as Jennifer na iniwan ng kanyang groom sa mismong araw ng kanilang kasal kaya natakot nang ma-in love uli.
Ginampanan naman ni Will sa movie ang role ni Viktor, isang Filipino-German na nagtungo sa Santa Fe para hanapin ang kanyang tunay na ina. Pinagtagpo sila ng tadhana sa maling panahon ngunit hindi ito naging hadlang para hindi nila makamit ang hinahanap na “forever”.
Bukod sa napakagandang beach sa Sta. Fe, Bantayan, isa pa sa bentahe ng “I Found My Heart in Sta. Fe” na isinulat at idinirek ni Bona Fajardo, ay ang soundtrack nito na siguradong mas magbibigay ng kakaibang feel habang nanonood kayo, lalo na ang favorite naming “Morning, Noon And Night Time” na kinanta ni Roxanne.
Ang “I Found My Heart In Sta. Fe” ay isa sa mga featured film sa CineLokal at palabas na sa Sept. 15 sa mga sinehan nationwide. This is produced by BLUart Productions (executive producers Lyn Fajardo and Noy Aurelio).