2018 Duterte budget aprub na, 3 ahensya binigyan ng P1K budget

    Inaprubahan na ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa ang panukalang P3.767 trilyong budget ng Duterte administration para sa 2018.
    Kanina ay nagpadala ang Malacanang ng sulat sa Kamara at sinabing certified as urgent na budget bill para maaari itong maaprubahan sa ikatlong pagbasa.
    “We will only approve it on second reading tonight (Martes) and on third reading when it will already be printed with all the amendments, which will take a week or two,” ani House majority leader at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Farinas.
    Inaprubahan din ng Kamara ang pagbibigay ng P1,000 budget sa Commission on Human Rights na kinuwestyon ng ilang kongresista dahil sa pagiging kritikal umano sa drug war ni Pangulong Duterte.
    Ang CHR ay humihingi ng P1.723 bilyong budget pero ang ibinigay lamang ng Malacanang ay P678 milyon. At ibinaba pa ng Kamara sa P1,000.
    Matapos ang viva voce voting sa P1,000 budget ay humirit pa ang mga tutol dito na mag-nominal voting. Pero pinatayo na lamang ang mga pabor at kontra at ang resulta ay 119 ang pabor at 32 ang hindi.
    Sinabi naman ni CHR chairman Chito Gascon na patuloy silang magtatrabaho kahit na P1,000 lang ang budget.
    “Mahirap magtrabaho na walang budget pero nakakatuwa na may mga tao na nagsasabi na kapag zero nga kami eh magbo-volunteer sila, may mga tao na kapag na-zero kami ay magko-contribute sila pero tungkulin ng estado na pondohan ang CHR. May mga nagpapahayag ng ganun.”
    Umaasa naman si Gascon na hindi papayagan ng Senado sa ginawa ng Kamara.
    Sinabi ni Gascon na mayroong mga nagnanais na siya ay magbitiw kapalit ng pagbabalik sa budget ng CHR.
    “The principal reason why I cannot resign my office is do so is weaken the institution itself. Because under the set of circumstances, the Congress would respond Constitutional offices this way to threaten it with the reduction of budget. On pretext asking me to resign would lead to essentially making the institution forever at the mercy of politics,” ani Gascon.
    Bukod dito binigyan din ng P1,000 budget ang National Commission on Indigenous Peoples na kinukuwestyon ng mga militanteng kongresista dahil wala umanong ginagawa sa pagpatay sa mga Lumad.
    Ang Energy Regulatory Commission din ay binigyan ng P1,000 dahil sa mga anomalya umano sa ahensya. Hinihingi ng mga kongresista ang pagbibitiw ni ERC chairman Jose Vicente Salazar sa puwesto.
    Kasama sa inaasahang pagbabago ang paglalagay ng budget para sa libreng matrikula sa mga State Colleges and Universities.

Read more...