5 patay, 8 sugatan, 8 pa nawawala kay Maring

Lima katao ang naiulat na nasawi, di bababa sa walo ang nasugatan, pito ang nawawala, at mahigit 4,000 ang nagsilikas dahil sa mga epekto ng bagyong “Maring” sa iba-ibang bahagi ng Luzon, ayon sa mga otoridad.
Nasawi ang magkapatid na Jude, 17, at Justine Pondal, 14, nang mabagsakan ng gumuhong lupa ang kanilang barong-barong sa Taytay, Rizal, dakong alas-5 ng umaga Martes, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Nasugatan sa insidente ang ina nilang si Judith, 35, at mga kapatid na sina Joshue, 15, at Jerome, 9, ayon sa pulisya.
Sa Lucena City, Quezon, landslide din ang ikinasawi ng isang 3-buwang sanggol, habang may isang naiulat na nasawi sa pagkakuryente sa Sta. Rosa City, Laguna, ayon sa Calabarzon regional police.
Sa Pasay City, nalunod naman ang 12-anyos na si Samantha Zamora nang maanod ng Tripa de Galina River ng Maricaban, Martes ng umaga, ayon sa ulat ng Southern Police District.
Bago ito, nakaligtas bagamat nasugatan ang mag-asawang Romeo at Gina Perez, pati ang mga anak nilang edad 11, 9, at 5, nang gumuho ang kanilang bahay dahil sa malakas na agos ng ilog sa Carmona, Cavite, Lunes ng gabi.
Habang isinusulat ang balitang ito, anim pa katao, karamiha’y bata, ang nawawala matapos ding anurin ng umapaw na ilog ang kanilang mga bahay sa Calamba City, Laguna.
Pinaghahanap pa sina Eureka Monge, 5; Eufracio Monge, 1; Francine Jade Monge, 3; Aries Mendoza Jr., 2; Jhon Eduard Mendoza Jr., 4; at Eden Mendoza, 28, sabi ni Supt. Chitadel Gaoiran, tagapagsalita ng Calabarzon regional police.
Una dito’y naanod ang bahay ng dalawang pamilya sa gilid ng ilog sa Purok 1, Brgy. Parian, pati ang 13 nakatira doon, aniya.
Natagpuang buhay ang pito sa Brgy. Sampiruhan, pero di pa makita ang anim.
May naiulat ding mga inanod na bahay sa Brgy. San Cristobal, pati sa Brgy. Banlic, Cabuyao, ani Gaoiran.
Bukod sa mga nawawala sa Calamba, pinaghahanap pa rin ang isang Rossie Nasayao sa Brgy. Biluso, Silang, Cavite, aniya.
Base sa mga ulat na nakalap ng regional police, maraming bahagi ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon ang binaha at nagkaroon ng landslide dahil sa malakas na ulang dala ng bagyo.
Sa Laguna pa lang ay halos 2,400 ang naiulat na lumikas dahil sa mga pagbaha’t landslide, habang sa Quezon ay may mahigit 1,500, sinundan ng 667 sa Batangas, at mahigit 50 sa Cavite, ani Gaoiran.
May mga bahagi ng Cavite naman ang dumanas ng hanggang-dibdib na tubig baha, ayon sa mga awtoridad.
Dumanas din ng pagbaha ang maraming bahagi ng Metro Manila, lalo na ang Quezon City, Makati City, Pasay City, Muntinlupa City, at Pateros, habang ilang bahagi ng Paranaque City, Taguig City, at Las Pinas City ang binaha, ayon sa pulisya.
May mga naiulat ding pagbaha sa Sta. Cruz at Buenavista ng Marinduque, pati sa Lubang, Occidental Mindoro, at Ferrol, Romblon, ayon sa Office of Civil Defense MIMAROPA.
Binaha rin ang ilang bahagi ng Vinzons, Camarines Norte, kung saan may 38 lumikas, at kabuuang 15 barangay ng Marilao at Meycauayan City ng Bulacan, ayon sa mga awtoridad.

Read more...