IPINAGDIWANG ng Bandera ang 27th annivesary nito kahapon.
Marami nang narating ang Bandera, sister publication ng INQUIRER, nang ito’y mapunta sa Inquirer Group of Publications from the Manila Times.
Ang Bandera ang pinakamataas na sirkulas-yong diaryong Pilipino sa Kabisayaan at Mindanao.
Binabasa ang Bandera hindi lang dahil maraming istoryang human interest, mga columns na walang takot na bumabatikos sa mga katiwalian, at dahil din sa mga kuwentong artista.
Kung ang hanap ng mambabasa ay balanced news and fearless views, ang slogan ng INQUIRER, wala ka nang hahanapin pa sa Bandera.
***
In fact, nauna ang Bandera sa balitang sinalvage ng mga pulis ang University of the Philippines (UP) student na si Carl Angelo Arnaiz na hindi rin naman kabaitan.
Noong Biyernes, ni-labas ng Bandera ang balita, base sa salaysay ng isang magulang, na nagplano si Arnaiz at ang 14-anyos na si Reynaldo “Kulot” de Guzman na mangholdup.
Ang report ay kinuha sa salaysay ni Lina Gabriel, nanay ng batang si De Guzman.
Si De Guzman ay natagpuang bangkay sa Nueva Ecija na maraming saksak sa katawan.
Ano ang ibig sabihin nito?
Na ang Bandera ay piniprisenta ang kuwento ng magkabilang panig sa isang kontrobersiya. Wala itong kinakampihan.
Habang ang ibang mga diaryo ay banat ng banat sa mga pulis dahil ginawang martir sina Arnaiz at De Guzman ay iniulat ng Bandera ang tunay na pagkatao ng dalawang bata, batay sa salaysay ng isang ina.
***
Napakamapalad ng inyong lingkod na maging isang columnista sa Bandera.
Sa Bandera ang kauna-unahang pagkakataon na sumulat ako ng opinyon sa wikang pambansa.
Ang dasal ko ay mapalawig pa ang buhay ng Bandera at mas lumaki pa ang circulation nito.
***
Mali ang mga pulis sa pagsalvage kay Arnaiz dahil ito’y nadala na sa presinto at nabugbog na ng taumbayan.
Kahit na holdup suspect ito ay dapat iginalang na ang karapatang pantao niya.
Dapat ay isinaalang-alang ng mga pulis ang pagiging bata nito.
Pero dapat din malaman ng taumbayan ang kanyang ginawa sa taxi driver: Binaril niya ang taxi driver na si Tomas Bagcal pero nag-jam ang baril niya.
Pinalo pa nga niya ang driver, pero nagpambuno sila at nagapi dahil pinagtulungan siya ng taumbayan na tumulong sa driver.
***
Ano ang nagbunsod kay Carl Angelo, isang napakatalinong estudyante, na mangholdap?
Sa aking palagay ay nalulong siya sa shabu kaya’t naisipan niyang gumawa ng masama.
Maraming mga kabataan na gumawa ng krimeng hindi inaasahan sa kanilang mga murang edad dahil sila’y lango sa shabu.
Napakalaki ng problema ng ating bansa dahil sa droga.
Kahit na mga bata ay nalulong na sa shabu, na nakakatuyo ng utak.
***
Tatlo sa mga salarin na nagnakaw ng isang bag sa loob ng kotse na naglalaman ng P300,000, US$7,000 at 10,000 euros sa Pasay City ay mga batang lalaki na ang mga edad ay 15, 16 at 17.
Marami na silang nabuksan at nanakawang kotse kaya’t ang kanilang mga larawan ay nasa police rogues’ gallery.
Pero sila’y hindi hi-nuhuli dahil sila’y gatasan o milking cows ng mga pulis. Tuwing sila’y nakakanakaw ng mahahalagang bagay o malalaking pera, pinapartihan nila ang ilang pulis-Pasay.
Hindi inasikaso ng pulis-Pasay ang reklamo ni Inocencio Tan, nagmamay-ari ng bag, nang siya’y dumulog sa police community precinct (PCP) No. 3.
Bagkus ay pinagpapasahan lang siya ng mga ito.
Nagsikilos lang ang mga pulis nang pumasok na ang “Isumbong mo kay Tulfo” sa eksena.
Inaresto ng mga pulis ang mga batang suspek. Sinabi ng mga bata na pinartihan nila ang mga pulis ng kanilang nanakaw na malaking halaga.
Ngayon ay hindi na natin masabi kung sino ang pulis at sino ang pusakal dahil pareho silang masasamang-loob.
Ang pagkakaiba lang sa kanila ay ang isa ay may badge.
***
Yamashita treasure, katotohanan o kathang-isip lamang?
Hinihimok ko na basahin ninyo ang column ni Jimmy Licauco, Inner Mind sa INQUIRER nga-yong araw na ito.
Ang column ni Licauco ay nasa Lifestyle Section ng INQUIRER.