TUMIRA ng tres si Paul Desiderio may 1.1 segundo na lang ang nalalabi upang itulak ang University of the Philippines (UP) sa 74-73 panalo kontra University of Santo Tomas (UST) Linggo sa ikalawang araw ng Season 80 ng UAAP men’s basketball tournament sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Hiningi mismo ng beteranong si Desiderio ang isinagawang play bago nito iniwanan ang bantay at malampasan ang dalawang harang upang iayos ang kanyang sarili para sa game-winning triple.
“Ibigay ninyo sa akin ang bola, ipapasok ko na talaga ito,” sabi ng Cebuano guard na siyang itinalaga na team captain ng Fighting Maroons. “Sa dami naman ng ibinato kong puro sablay na tira, alam ko na magagawa ko maipasok ang bola laluna sa krusyal na punto na iyon.”
Bago niya ibinuslo ang krusyal na tres ay tumira siya ng 1-of-10 mula sa three-point area. Tinapos ni Desiderio ang laro na may 17 puntos at siyam na rebounds.
Kasama ng UP sa maagang liderato ang National University at Ateneo de Manila University na nanalo rin sa opening day noong Sabado.
Nagdagdag naman si Chris Vito ng siyam na puntos at anim na rebounds para sa UP.
Si Marvin Lee ay nagtala ng 20 puntos, 3 rebounds, 3 assists at 3 steals para sa UST.
Sa ikalawang laro ay binalewala ng nagtatanggol na kampeong De La Salle University ang pagkawala ng 2016 Most Valuable Player na si Ben Mbala matapos nitong biguin ang season host na Far Eastern University, 95-90.
Nagawang itala ng Green Archers ang pinakamalaki nitong kalamangan na 23 puntos sa first half pero naghabol ang Tamaraws sa ikaapat na yugto at nakalapit sa 88-92.
Gayunman, umiskor ng limang sunod na puntos si Aljun Melecio para isalba ang Green Archers.