Wedding gown ni Ai Ai gagastusan ni Marian; Sharon, Alden kabilang sa mga abay

AI AI DELAS ALAS AT GERALD SIBAYAN

BABAYARAN ni Marian Rivera ang gastos sa wedding gown ni Ai Ai delas Alas sa kasal nila ng boyfriend na si Gerald Sibayan sa Dec. 12. Ibinalita ito ng Comedy Queen matapos ang misa para sa birthday celebration ni Mama Mary last Friday sa BF Homes, Q.C..

Seven years nang ginagawa ni Ai Ai ang pagbibigay-pugay kay Mama Mary bilang pasasalamat sa lahat ng biyayang dumarating sa kanya mula noong bata pa siya hanggang ngayon.

“Marian devotee ako, di ba? Tapos, feeling ko, ang daming intercession ni Mama Mary sa akin. Mga hinihiling ko na binibigay ng Diyos kaya feeling ko, giving thanks sa binibigay sa akin ni Lord, through her,” pahayag ni Ai Ai.

After bigyan ng parangal si Mama Mary, tutok ang Comedy Queen sa kasal nila ni Gerald. First time niyang ikakasal sa simbahan kaya naman inaayos na nila ang requirements.

“Ang dami palang kailangan sa simbahan. Nakakaloka. Lalo na pag may previous kasal. May seminar. Birth certificate. Kumpil. Binyag. Walang kumpil si Gerald kaya kinumpilan kanina. Kailangan kasi.

“Basta ang dami. Two times kang magse-seminar the whole day. Hindi ako puwede ng Saturday and Sunday so meron kaming isa na sa ibang araw,” saad ni Ai.

Si Frederick Peralta ang gagawa ng wedding gown niya habang si direk Louie Ignacio ang magha-hand paint ng belo niya.

“Parang ang theme ko, fiesta. Fiesta Amore. Gusto ko colorful. Si Maxi Cinco naman ang gagawa ng isusuot ko after ng wedding,” balita pa ng Comedy Queen.

Virgin na virgin siya sa gown na ‘yon, huh! “Naman!” bulalas ni Ai Ai.

Ang kambal na si Marian ang magbabayad sa gastos sa gown niya. “Magiging veil sponsor din siya habang si Sharon (Cuneta) ang Matron of Honor. Maid of Honor si Sophia. Kasama rin si Alden (Richards) sa entourage,” sey pa niya.

Mixed emotions ang nadarama niya ngayon. Bukod kasi sa preparasyon ng kasal, lumipat siya ng bagong bahay, inaasikaso ang restaurant at meron pa siyang bagong TV show with Vic Sotto na Bossing And I. Sa October ay ilalabas naman ang movie niyang “Bes & The Beshies” mula sa Cineko Productions.

q q q

Isang taon ding niligawan ng PLDT’s Gabay Guro Foundation ang management ni Sarah Geronimo upang maging bahagi ng 10th year celebration nito na gagawin ngayong Sept. 17 sa SM Mall of Asia Arena.

Ayon kay Chaye-Cabal Revilla, chairman ng foundation at Gary Dujali, brand advocacy head ng PLDT, nang mabakante ang araw na ‘yon ng Pop Superstar, tumango naman siyang magiging parte ng programa.

Sa totoo lang, star-studded palagi ang regalong ito ng Gabay Guro para sa ating mga teacher. Bukod kay Sarah, magpi-perform din sina Lea Salonga, Regine Velasquez, Ogie Alcasid, Martin Nievera, Gary Valenciano, Jaya, Michael Pangilinan, Jona Viray, Marian Rivera at iba pa.

Magsisilbing hosts naman ng programa sina Pops Fernandez, Andrew Wolfe at Pia Wurtzbach. Mamimigay ng dalawang house and lots ang Ayala Land habang dalawang sasakyan naman ang ibabahagi ng Foton.

Exclusive for teachers lang ang event at bukas na ang gate ng 12 noon.

Read more...