Kelan kaya titino ang PNP?

TUMANGGI si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte na ipakita kay Sen. Antonio Trillanes ang kanyang tattoo sa public hearing ng blue ribbon committee ng Senado tungkol sa P6.4 bilyon na shabu na nakapuslit sa Bureau of Customs.

Marahil ay inaakala ng batang Duterte na susunod ay pilitin siyang ipakita ang kanyang ari.

Hahaha!

 

***

Joking aside, Japan Tobacco Inc. o JTI, isang foreign company, ang nakabili ng Mighty Corp.

Napilitan kasing ipagbili ng mga may-ari ng Mighty Corp. ang mga pabrika’t iba pang ari-arian nito sa JTI.

Pagdating ng panahon, malalaman ng taumbayan kung sinu-sino at kung bakit ipinagbili ang Mighty.

Bilog ang mundo at hindi sa lahat ng panahon nasa puwesto ang mga taong pumilit sa kanila na ipagbili ang Mighty, ayon sa isa sa mga may-ari ng cigarette company.

 

***

May bagong twist sa pagkamatay ni Carl Angelo Arnaiz, ang University of the Philippines (UP) dropout, na pinatay ng mga pulis.

Kung paniniwalaan ang ina ng batang si Reynaldo “Kulot” de Guzman, balak talaga ni Arnaiz, kasama ang kanyang anak na si Kulot, na manghold-up.

Ayon sa police report, nabaril si Arnaiz nang nanlaban ito matapos holdapin ang isang taxi.

Si De Guzman naman ay natagpuang patay na maraming saksak sa katawan sa Nueva Ecija.

Sabi ni Lina Gabriel, ina ni Kulot, na plano ni Arnaiz at ng kanyang anak na mangholdap, pero nagbago ng isip ang kanyang anak at the last minute.

Si Arnaiz na lang daw mag-isa ang gumawa ng panghohold-ap.

Anong ibig sabihin nito?

Na masyadong na-sensationalize ng media ang pagkapatay ni Arnaiz. Ginawa siyang martir.
Dapat ilabas din ng media ang katotohanan na hindi malinis si Arnaiz at ang 14-anyos na batang si Kulot ay dapat huwag masyadong kaawaan dahil di naman siya kabutihan.

 

***

Nagreklamo ang negosyanteng si Inocencio Tan sa Pasay City police community precinct No. 3 na nanakawan siya ng kanyang bag sa loob ng kanyang kotse na nakaparada sa Arnaiz Street.

Ang bag ay may laman na P300,000 US$7,000 and 10,000 euros, ayon kay Tan.
Nakilala agad ng mga pulis ang mga salarin dahil sa CCTV sa lugar ng pinangyarihan.

Tatlo sa mga suspects ay menor de edad at dalawa ay sapat na sa gulang.

Labas-masok na sila sa kulungan dahil sila’y nasa rogues’ gallery ng Pasay City police.

Pero kahit na nakilala na ang mga suspects ay pinagpapa-pasahan si Tan ng mga pulis na parang basketball: Itinuro siya ng PCP 3, kung saan siya nagreklamo, sa station investigation division ng Pasay City police headquarters, sa women’s and children’s desk at balik sa PCP 3.

Sa madaling sabi, walang naaresto.

Nagkaroon lang ng linaw ang reklamo ni Tan matapos siyang dumulog sa “Isumbong mo kay Tulfo” at doon lang may naarestong mga suspects.

Sinabi ng dalawang suspects na malaki ang kinuha ng mga pulis sa kanilang ninakaw.
Susmaryosep, kaya naman pala hindi kumilos agad upang magkaroon sila ng parte ng nakaw!

 

***

Ibinuhos ni Tan sa inyong lingkod ang sama ng loob niya kay Chief Insp. Remedios Terte, hepe ng PCP 3, dahil sa hindi nito pag-aresto kaagad sa mga suspects.

Hindi raw niya sakop ang kaso dahil sa laki ng halaga kaya’t ipinasa si Tan sa headquarters, ayon sa negosyante.

Nang pumunta siya sa Pasay City police headquarters station investigation division, sinabi sa kanya na magpunta naman sa women’s and children’s desk.

Sinabi kay Tan ng women’s and children’s desk na wala silang pakialam sa kaso at ipinasa uli siya sa PCP 3.

Bakit kinailangan pang makialam ang “Isumbong”—hindi po kami nagbubuhat ng sariling bangko—upang kumilos ang mga pulis-Pasay?

Alam ba ninyo ang halagang na-recover? $1,000 at P6,000 na binigay din daw niya sa mga pulis dahil nagparinig sa kanya ang mga ito.

Nabiktima na nga ng mga magnanakaw, nauto pa ng mga pulis na ibigay sa kanila ang narecover na pera!

Hay, kelan kaya titino ang Philippine National Police?

Read more...