Binawi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang tsunami warning dakong alas-3 ng hapon, sabi ni Romina Marasigan, tagapagsalita ng NDRRMC.
Gamit bilang basehan ang impormasyon mula sa Pacific Tsunami Warning Center, sinabi ng NDRRMC na mga along mas mababa lang sa 0.3 metro ang inaasahan sa Pilipinas.
Pinakamataas namang naitala sa Mexico ang 1.01 metrong alon, ayon sa ahensiya.
Bago ito, sinabi ng NDRRMC na bagamat walang utos para mag-evacuate o lumikas, kailangang magmatyag at maghintay ang coastal communities ng update tungkol sa mga maaaring pagbabago sa lebel ng tubig sa dagat.
Iyo’y matapos maganap ang lindol na may “preliminary magnitude” na 8 sa dagat nasa hilagang-kanluran ng Chiapas, Mexico, dakong alas-12:49 (oras ng Pilipinas).
“An earthquake of this size has the potential to generate a destructive tsunami that can strike coastlines in the region near the epicenter within minutes to hours,” anang NDRRMC.
Kabilang sa mga inabisuhang umantabay sa updates ang mga coastal community sa Batanes group of islands, Eastern Samar, Cagayan, Northern Samar, Ilocos Norte, Leyte, Isabela, Southern Leyte, Quezon, at Surigao del Norte.
Inabisuhan ding mag-abang ng updates ang Aurora, Surigao del Sur, Camarines Norte, Davao Oriental, Camarines Sur, Davao del Norte, Albay, Davao del Sur, Catanduanes, Davao Occidental, at Sorsogon.
Sinabi ni Marasigan na wala pang natatanggap ang ahensiya na ulat tungkol sa anumang epekto ng lindol sa Pilipinas.