Spiderwoman sa Hong Kong

MATAGAL na panahon ding halos sunod-sunod ang mga balitang nakararating sa Pilipinas hinggil sa pagkahulog sa bintana ng mga domestic workers sa Hong Kong.

Ito rin ang nagtulak sa pamahalaan ng Hong Kong na gumawa ng batas upang mabigyan ng sapat na proteksyon ang mga domestic workers doon.

Binago ang mga kontrata na nagsasaad ng mga bagong probisyon tulad ng: hindi na sila maaaring maglinis ng mga bintana sa labas kung walang sapat na harang or barandilya ang mga ito, dapat naroon ang employer o di kaya ay may ibang tao sa bahay habang naglilinis siya.

Pero hindi pa rin ito nasusunod. Matapos mag-viral sa social media ang larawan ng Pinay OFW na naglilinis sa labas ng bintana at mala-spider woman itong kumakalambitin masunod lamang ang amo, tinanggal ng employer si M.R. Sta Cruz kahit dis-oras pa ng gabi.

Alas dose nga ng madaling araw nang sinibak ang OFW ngunit hindi ito natakot sa ginawang termination ng amo nang paglinisin ito sa labas ng bintana nang walang proteksyon.

Gayong ipinagpipilitan at sinabi ng OFW na labag sa batas ang ipinagagawa sa kaniya at hindi kasama iyon sa kontrata, galit na galit ang naturang employer kung kaya’t kahit madaling araw na, pinalayas nito ang OFW sa kanilang tahanan.

Nagreklamo na rin ang Pinay at sinabing hindi siya binibigyan ng susi ng bahay ng kaniyang employer.

Kailangang hintayin niya muna ang mga ito bago makapasok sa bahay.

Minu-minuto rin siyang mino-monitor sa CCTV, kinuha pa ang kaniyang pasaporte at hindi nakakakain nang maayos.

Bukod diyan, 20 oras siyang nagtatrabaho maghapon at apat na oras lamang ang pahinga na ibinibigay sa kaniya.

Sa kasalukuyan, nakikipagtulungan na si Sta. Cruz sa Konsulado ng Pilipinas upang payagan siyang makapag-proseso ng bagong work contract.

Ayon kay Labor Attache’ Jalilo dela Torre kinakailangang magsumbong ang ating mga kababayan upang hindi sila naaabuso ng kanilang mga employer.

Hindi naman kasi nila malalaman kung anong nangyayari sa kanila kung hindi sila magsusumbong. Lakasan nila ang loob, maging matapang at pakaisipin palaging lalo lang silang maaabuso kung hindi sila kikibo.

Naniniwala ang Bantay OCW na marami pa tayong mga kababaihan sa Hong Kong ang nagtitiis na lamang sa mga hindi magandang pagtrato ng kanilang employer. Dahil sila lamang ang inaasahan ng kanilang pamilya at hindi nila matatanggap na mawalan ng trabaho at umuwing luhaan sa Pilipinas.

Kinakaya nilang tiisin ang lahat at umaasang mababago naman ang pagtrato sa kanila balang araw. Kaya nga lamang, hanggang matapos ang kanilang mga kontrata, patuloy silang aabusuhin ng kanilang mga employer. Walang ibang pinakamagaling pa rin ang matutong magsumbong ang ating mga OFW.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...