John Estrada gaganap na Marawi Hero sa MMK

JOHN ESTRADA AT LARA QUIGAMAN

NAPASABAK muli si John Estrada sa matinding dramahan sa bagong episode ng longest-running drama anthology sa Asya, ang Maalaala Mo Kaya hosted by Charo Santos.

Gagampanan ni John ang karakter ni Loloy, isang Kristiyanong naipit sa labanan ng mga terorista at sundalong Pinoy sa Marawi City.

Bata pa lang si Loloy ay matulungin na siya sa kapwa, ngunit nang mapabarkada ay napabayaan na ang kanyang pag-aaral hanggang sa matuto na ring magsugal, uminom at magyosi.

Nagbago ang takbo ng kanyang buhay nang mapabilang sa Protestant Christian religion. Dito rin nagdesisyon si Loloy na magtungo sa Marawi City para makapagtrabaho at makabalik sa pag-aaral.

Doon niya nakilala si Gracia (Lara Quigaman) na kalaunan ay naging asawa niya. Ngunit hindi sila nabiyayaan ng anak kaya inampon nila ang bagong silang na sanggol ng kapatid ni Loloy na pinangalanan nilang Brian. Naging masaya at tahimik ang mga unang taon ng kanilang pagsasama ngunit magbabago ang lahat nang sumiklab na ang Marawi siege.

Bilang mga Kristiyano, natakot si Loloy na madamay ang kanyang pamilya sa giyera kung saan marami nang sibilyan ang nasawi at nasugatan. Agad niyang dinala ang kanyang mag-ina sa bahay ng kanyang Muslim employer at nagtago sa basement kasama ang 35 pang Kristiyano na kanya ring tinulungan.

Si Loloy ang nagsilbing lider ng grupo ng mga Kristiyano habang hinihintay ang mga sundalong magliligtas sa kanila. Paano nila nakayang mabuhay ng 12 araw sa basement nang walang sapat na pagkain, tubig at iba pang pangunahing pangangailangan ng isang tao – habang naririnig nila ang barilan at pambobomba. Mas lalo pang susubukin ang pananampalataya ni Loloy nang dapuan na ng sakit ang kanilang anak, pati na ang iba pa nilang kasamahan.

Makakasama rin sa MMK episode na ito sina Zaijian Jaranilla as Brian, Claire Ruiz bilang Gerona, Jai Agpangan as Genrose, Lester Llansang as Leo T, Milo Elmido as Leo O at Mara Lopez bilang April. Ito’y sa direksyon ni Dado Lumibao at sa panulat nina Mae Rose Balanay. Ngayong Sabado na yan ng gabi sa ABS-CBN after Little Big Shots.

Read more...